ZAMBOANGA SIBUGAY – Isang 30-anyos na lalaki ang dinakip ng pulisya matapos nitong mapatay ang matandang kainuman sa bayan ng Diplahan sa Zamboanga Sibugay province.
Nakilala ang suspek na si Jerry Adlaon na umano’y nakapatay sa magsasakang si Aurelio Martinez, 61, kamakalawa ng gabi. Sinabi kahapon ni PO3 Mark Lou Cabaluna, ang imbestigador sa kaso, na inihahanda na nito ang pagsasampa ng kasong homicide laban kay Adlaon matapos nila itong mahuli.
Nabatid na pauwi na umano ang dalawa mula sa inuman ng magkaroon ng pagtatalo at kumuha ng kahoy itong matanda at pinaghahampas si Adlaon, ngunit naagaw naman ito ng suspek at gumanti ng palo. Paulit-ulit rin na inihampas ni Adlaon ang ulo ni Martinez sa bato matapos na magdilim umano ang tingin nito.
“Kilala itong matanda sa lugar na pala-away sa tuwing nalalasing at naghahamon ng away at iyan ay ayon sa barangay kapitan doon. Itong si Adlaon ay tahimik naman daw, pero gayun pa man ay nahaharap pa rin siya sa kasong pagpatay,” ani imbestigador sa panayam ng Mindanao Examiner regional newspaper.
Dinala pa umano sa Wilfredo Palma Memorial Hospital ang biktima, ngunit patay na ito bago pa man makarating doon dahil sa timanong pinsala sa kanyang ulo. Mismong si Insp. Jimmy Albert Decin, ang officer-in-charge ng pulisya sa Diplahan, ang nanguna sa paghahanap kay Adlaon.
Kinumpirma naman ito ni Supt. Rogelio Alabata, ang regional police spokesman, at sinabing inahahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kaso laban kay Adlaon. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://web.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper