
CAGAYAN PROVINCE – Patuloy na namamayagpag ang krusada ng Jesus Miracle Crusade International Ministry dito at maraming mga rebeldeng New People’s Army at mga lider nito ang nagbalik-loob sa Diyos dahil sa nakitang pag-asa mula sa mga panalangin ng isa sa pinaka-impluwensyal na religious organizations sa bansa.
Maging ang Marag Valley at iba pang mga kabundukan at malalayong barangay ay sinusuong ng mga prayer warriors ng JMCIM upang ihatid ang salita ng Diyos sa lahat ng mga uri ng tao – mahirap man o mayaman, rebelde o hindi, pulitiko o sibilyan.
At maging mga ordinaryong mamamayan sa ibat-ibang barangay at bayan ng Cagayan, kabilang ang Tuguegarao City, ay sumama na rin sa JMCIM matapos lamang na makadalo sa bible study at krusada nito.
Kabilang sa mga prayer warriors ng JMCIM ay si Brother Danny Cuarteros na kahit gabi ay sumusugod sa malalayong barangay kasama ang iba pang miyembro at choir nito upang ihatid ang bagong pag-asa na pangako ng Diyos sa bawat nilalang na naniniwala sa Kanya.
Bagama’t naka-base sa Tuguegarao, si Brother Danny at ang asawa nitong si Sister Jeany at mga anak ang nagtutulong-tulong upang isulong ang mithiin ng Panginoon na kapayapaan at pagmamahal sa puso at isipan ng bawat isa sa pamamagitan ng JMCIM.
Halos walang pahinga ang mga miyembro ng JMCIM dito dahil bukod sa krusada ay araw-araw rin ang pagsasagawa ng bible study nito at bukod pa ang mga pagkain na ipinamamahagi sa mga mahihirap at nangangailangan nito.
Nakatakda rin ang drug forum nito sa ibat-ibang paaralan at unibersidad sa koordinasyon sa Department of Education at Philippine National Police upang maipamulat sa mga estudyante ang masamang epekto ng droga. Ito ay bilang suporta na rin ng JMCIM sa anti-drug campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte. (J. Magtanggol)
Like Us on Facebook: https://web.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper