
Ang daungan sa bayan ng Jolo sa lalawigan ng Sulu. (Mindanao Examiner Photo)
ZAMBOANGA CITY (Mindanao / Oct. 18, 2013) – Wala pa rin linaw kung kailangan muling magkakaroon ng commercial flights patungong Sulu at Tawi-Tawi matapos itong suspindihin ng Civil Aviation Authority of the Philippines at ng Crisis Management Committee ng Zamboanga dahil sa kaguluhan noong nakaraang buwan sa naturang lungsod.
Inatake ng Moro National Liberation Front rebels ang Zamboanga noong September 9 at tumagal ng tatlong linggo ang sagupaan na kung saan ay mahigit sa 400 katao ang nasawi at sugatan sa karahasan. At dahil dito ay suspindo ang lahat ng flights sa Zamboanga, ngunit pinayagan naman ng CAAP at CMC ang commercial flights sa Zamboanga patungong Cebu, Davao at Manila at vice-versa, ngunit hindi naman isinali ang Sulu at Tawi-Tawi.
Dahil sa suspindido ang flights ay mahigit isang buwan rin hindi tumatanggap ng sahod ang mga empleyado ng dalawang lalawigan dahil sa walang sapat na salaping pumapasok sa Sulu at Tawi-Tawi. Maging ang mga ferries ay kontrolado rin ng Coast Guard.
Apektado ang pagkuha ng Internal Revenue Allotment sa mga banko upang maipa-sweldo sa mga empleyado at kamakalawa lamang nakapagdala ng salapi ang Land Bank of the Philippines ng payagan ng CAAP ang special flight nito matapos na pumutok ang balita sa Mindanao Examiner ukol dito nitong linggo lamang.
Ngunit hindi pa rin binibigyan ng go signal ng CMC sa ilalim ni Mayor Maria Isabelle Salazar at ng CAAP sa pamumuno naman ni Danilo Abareta, upang muling buksan ang biyahe sa naturang mga lalawigan kung kaya’t apektado ng husto ang lahat ng sektor sa Sulu at Tawi-Tawi. Maging ang mga air line companies ay apektado sa naturang suspensyon ng flights.
Ngunit sinabi naman ni Salazar sa Mindanao Examiner na depende na umano sa CAAP ang muling pagbubukas ng commercial flights sa Sulu at Tawi-Tawi. “Oh, CAAP,’ ani Salazar sa maiksing sagot nito ng tanungin kung bakit wala pang desisyon na payagan ang commercial flights sa Sulu at Tawi-Tawi.
Subali’t ayon naman sa CAAP ay nasa mga kamay ni Salazar ang desisyon dahil ang mayor ang siyang pinuno ng CMC. (Mindanao Examiner)