
MAYNILA – Nanawagan ang grupong Kilos Bayan Para sa Kalusugan (KBK) upang isauli ng mga opisyal ng Philhealth ang P1.44 bilyon “allowances” at “bonuses” na ipinamahagi sa kanila noong taong 2012.
Sa ipinadalang pahayag ng grupo sa Mindanao Examiner, kasuklam-suklam umano ang pagpapakasasa na ito ng mga opisyales, kawani at kontraktor ng ahensya samantalang milyun milyon sa ating mga kababayan ang hindi makapagpagamot dahil walang pera.
Bagaman miyembro ng Philhealth, napakarami pa rin ang hindi makatamo ng sapat na tulong mula sa ahensya at pamahalaan dahil sa napakaliit na porsyentong inilalaan nito para sa pagpapagamot at pagpapa-ospital.
Iginiit din ng KBK na ang Philhealth ay nagiging gatasan lamang ng mga mandarambong sa pamahalaan kaya dapat na itong buwagin.
Ayon kay Albert Pascual, tagapagsalita ng KBK, pinipiga ang pawis at dugo ng mamamayan para magbayad ng kontribusyon. Dagdag pa niya, napakawalang-hiya na “nagpapasasa sila sa ilang bilyong bonus sa harap ng panibagong pagtataas ng singil nila sa PhilHealth.”
Mula sa P1,200 kada taon na bayad sa Philhealth magiging P2,400 na ang babayaran ng mga karaniwang miyembro. Sa mga OFW, mula P900 magiging P2,400 na ito, at 3% naman sa basic pay ang kakaltasin sa mga empleyado sa pribado at pamahalaan.
Aniya, imoral na ninanakawan ang mahihirap na mamamayan. Habang nireregaluhan nila ang kanilang mga sarili gamit ang pera ng bayan,kakarampot ang nakalaan na serbisyo sa mamamayan mula sa PhilHealth.
Tinawag ng grupo na “makapal ng mukha” ng mga opisyal ng Philhealth na “gantimpalaan ang kanilang sarili” samantalang sang-ayon sa report ng COA ay kulang ng P3.8 bilyon ang kanilang “reserved requirement” para sa taong 2012.
Batay sa COA, nakatanggap noong 2012 ang mga opisyales at kawani ng PhilHealth ng napakalaking P1.44 bilyon na bonus at benepisyo. Ito ay ang productivity incentive allowance/bonus (P272.006 million), anniversary bonus (P33.4 million), rice benefit (P106.27 million), educational allowance (P278.89 million), Christmas package (P234.05 million), nominal gift (P10,000), shuttle service assistance (P134.53 million), labor management relation gratuity (P156.92 million), birthday gift (P39 million), medical and mission critical allowance (P23.33 million), corporate transition and achievement premium/grocery allowance (P104.4 million), representation expenses (P32.5 million), rewards and other claims(P24.74 million).
Sang-ayon kay Secretary Enrique Ona, walang silang kakayahang patakbuhin ang PhilHealth kaya kumuha sila ng mga “contractors” para magbigay ng expertise sa pagpapatakbo ng korporasyon.
Ang mga pribadong kontraktor ng Philhealth ay nakatanggap ng P6,506,869.00 na mga bonus at benepisyo. Kasama dito ang “special events gift,” project completion benefit, gratuity/Christmas package, sustenance gift/rice allowance, recognition gift, efficiency/productivity gift, alleviation gift, transportation assistance , medical and mission critical allowance”.
Ayon pa kay Pascual, habang milyones ang bayad sa pagdalo sa mga board meetings, “ang karaniwang mamamayan ay kailangang pumila ng maghapon, maghintay ng anim na buwan para makuha ang katiting na serbisyo ng PhilHealth. Pinakamalala pa, may mga miyembro na hindi nabibigyan ng benepisyo.”
Sadyang walang maaasahan ang mamamayan kundi ang lakas ng pagkakaisa at sama-samang militanteng pagkilos para ilantad at labanan ang korapsyon at kabulukan ng sistemang ito.
Nananawagan ang KBK na isauli ang P1.44 bilyon na kinuha ng Philhealth, buwagin ang Philhealth dahil wala itong silbi sa mamamayan, ipaglaban ang libre at kumprehensibong serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan, dagdagan and badyet pangkalusugan, labanan ang pribatisasyon, parusahan ang mga mandarambong at panagutin si PNoy sa malawakang korapsyon ng kanyang mga kabinete.