
SULU (Mindanao Examiner / Oct. 14, 2013) – Pinangunahan ni Sulu Vice Governor Sakur Tan ang pagbubukas ng isang volleyball court sa bayan ng Indanan bilang bahagi ng sports development program ng pamahalaang panlalawigan.
Mismong si Vice Governor Tan ang nanguna sa laro sa Barangay Lantad na kung saan ay dinaluhan ito mga kabataan. Proyekto ni Sulu Governor Totoh Tan ang volleyball court, ngunit hindi naman ito nakadalo sa pagbubukas dahil nasa hajj pilgrimage ito sa Saudi Arabia.
Todo naman anag pasasalamat ng mga taga-Barangay Lantad sa nasabing volleyball court dahil maraming kabataan umano ang makikinabang dito sa kanilang libreng oras o kaya ay kung walang klase sa mga paaralan.
Marami na rin naitayong mga basketball at tennis courts ang administrasyong Tan sa Sulu at maging ang sports complex sa bayan ng Patikul ay binigyan rin ng pansin ni Vice Governor Tan noong kapanahunan nito bilang governor kung kaya’t isa ito sa pinakamaganda sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Target rin nito na mabigyan ng pagkaka-abalahan at libangan ang mga out-of-school youth. Ibat-ibang proyekto na ang naitayo ni Governor Totoh Tan na ngayon ay nasa kanyang unang termino pa lamang.
Sinabi naman ni Vice Governor Tan marami pang mga proyekto ang nakalinya para sa ibat-ibang bayan sa Sulu. Suportado naman ng publiko ang “Team Tan” na siyang nakapagbigay ng malaking developments sa nasabing lalawigan. (Ahl Salinas)