
MANILA – Binigyang diin ni GPH peace panel chair Miriam Coronel-Ferrer ang pagtiyak na magkaroon ng isang makatarungan at katanggap tanggap na solusyon sa suliranin ng Bangsamoro sa pagbubukas ng 41st formal exploratory talks sa Malaysia.
Ayon pa kay Ferrer, mahaba ang iginugol nila na panahon upang makumpleto ang lalamanin ng mga annexes ito’y upang tiyakin ng magkabilang panig ang patas at makatarungang solusyon para sa lahat at matiyak na mabigyan ng maayos na sistema kung saan may kooperasyon ang bawat isa sa itatayong Bangsamoro government at ng buong bansa.
Ayon naman kay MILF peace panel chairman Mohager Iqbal, nais nilang siguraduhin na ang magiging resulta ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig ay tanggap din ng mamamayang Bangsamoro.
Dagdag pa ni Iqbal, na ang magiging bunga ng usapang pangkapayapaan ay pakikinabangan ng lahat hindi lamang ng MILF kundi pati narin ng MNLF at ng buong Bangsamoro.
Aniya, ang MILF ay umaapela sa grupo ng MNLF na sila’y suportahan o kung hindi man ay bigyan sila ng pagkakataon na magtagumpay sa paghahanap ng solusyon sa problema ng Bangsamoro sa Mindanao.