
ZAMBOANGA CITY – Tikom ang bibig ng mga opisyal ng Western Mindanao Command sa balitang paglisan ng mga sundalong Amerikano sa Zamboanga City matapos na kanselahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang joint patrol sa South China Sea at ang mga nakalinyang war games sa pagitan ng dalawang bansa.
May maliit na kampo ang mga sundalong Kano sa loob ng Western Mindanao Command na dating headquarters ng Joint Special Operations Task Force-Philippines, at maging sa Edwin Andrews Air Base ng Philippine Air Force dito. At bukod pa ang kampo nito sa loob ng headquarters ng militar sa bayan ng Jolo sa Sulu at Basilan province.
Mahigpit ang seguridad sa mga kampo ng Kano at maging mga heneral ng Armed Forces of the Philippines ay hindi basta makapasok sa mga ito kung walang clearance mula sa US Embassy.
Iniingatan rin ng mga Kano ang kanilang spy drones or unmanned aerial vehicles na kanilang ginagamit laban sa Abu Sayyaf at posibleng sa mga kalapit na bansa tulad ng Malaysia at Indonesia na kung saan ay aktibo ang mga terrorista.
Namataan umano sa Zamboanga ang C-17 Globemaster cargo plane ng US Air Force at hinihinalang naghahakot na ito ng mga kagamitan mula sa ibat-ibang kampo.
Marami rin reklamo ang mga news photographer at television crew sa mga Kano dahil sa harassment ng mga aroganteng sundalo sa kanila. Ilang beses ng hinabol ng mga Kano ang ilang mga Mamamahayag sa Zamboanga at Sulu na nagko-cover ng kanilang aktibidad, at ilan pa ang pinagbantaan na wawasakin ang mga camera kung hindi titigil sa kanilang gawain. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper