
MANILA – Ipinahayag ni GPH Peace Panel Chair Prof. Miriam Coronel-Ferrer ang malaking hamon na nakaatang sa balikat ng mga negosyador ng magkabilang panig upang tiyakin ang integridad ng magiging resulta ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front.
Dagdag pa ni Ferrer, kailangang masiguro na patas at para sa lahat ang magiging solusyon sa problema ng Mindanao.
Ito’y kasabay ng paniniwala ng mga Filipino na ang kasunduang pangkapayapaan ay magsisilbing tulay sa katuparan ng mga pangarap tungo sa kapayapaan, mabuting pamamahala, pagkakaisa at pagtutulungan para sa mas maunlad na pamumuhay sa Bangsamoro at sa buong bansa.
Ani ni Ferrer, batid nila na marami ang interesadong malaman ang kahihinatnan at kung kailan matatapos ang usapang pangkapayapaan sa gitna ng kabi-kabilang kaguluhan at pananabotahe ng mga grupong gustong idiskaril ang usapang pangkapayapaan.
Kaugnay dito, malakas parin ang paniniwala ni Ferrer na sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan at kooperasyon ng magkabilang panig ay magtatagumpay parin ang kanilang pagsisikap na mapigilan at masawata ang mga panggugulong ng mga grupong gustong isabotahe ang kapayapaan.
Para kay Ferrer, ito ay isa sa mga rason na dapat ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao upang maging permanente ang pansamantalang tigil-putukan. Kung saan ang lahat ng gusto ng kapayapaan ay magkaisa sa isang matibay at malawak na samahan tungo sa mas maliwanag na hinaharap habang ang iba na patuloy pa rin sa pagtahak sa daan ng karahasan at kaguluhan ay maihiwalay at mapanagot sa batas.
Ani Ferrer, batid ng GPH peace panel ang bigat ng kanilang responsibilidad na tuparin ang hinahangad ng nakararaming sawa na sa paglikas at kahirapang dulot ng kaguluhan.
“We know that it will require a lot of hard work, the appropriate strategies, the effective mechanisms and collaborative approaches, at the soonest possible time,” sabi pa ni Ferrer.