
MANILA – Tahasang kinondena ng GPH Panel ang patuloy na pananalakay at panggugulo na ginagawa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ilang bahagi ng ARMM at Central Mindanao.
Sa isang press conference ng GPH Panel, sinabi ni Chair Miriam Coronel-Ferrer na malinaw na kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng tao lalo na ng mga inosenteng sibilyan ang ginawang pag-atake ng naturang grupo at malinaw ring paghadlang sa mapayapang solusyon sa problema ng Mindanao.
Sa talaan ng government panel secretariat, umaabot sa 48 na pag-atake sa kabuuan ang ginawa ng BIFF mula Hulyo hanggang Setyembre nitong taon sa mga probinsya ng Maguindanao, North Cotabato at Basilan.
Maalalang inatake ng BIFF ang mga komunidad ng Rangaben, Tugal, Malingao, Mirasol at Polongoguen sa bayan ng Midsayap, North Cotabato at ginawang human shield ang 15 ka-taong sibilyan kasama ang mga guro sa isang paaralan sa naturang bayan.
Makaraan ang naturang pag-atake, sinundan ito ng pag-atake sa isang plantasyon sa bayan ng Tulunan na nagresulta rin ng paglikas ng mga pamilyang apektado.
Dagdag pa rito, ayon kay GPH Negotiator Senen Bacani, ipatutupad ng gobyerno ang nararapat na parusa laban sa mga responsableng grupo at mga nagpasimuno nito.