GENERAL SANTOS CITY – Inireklamo ng dalawang reporter ng Bombo Radyo ang hepe ng pulisya sa bayan ng Polomolok sa South Cotabato matapos na umano’y magpaputok ito ng baril at hinamon pa ng suntukan ang miyembro ng media sa loob mismo ng himpilan.
Ayon sa pahayag kahapon ng Bombo Radyo, nagtungo sa pulisya ang mga reporter nitong sina Jojo Bacalanmo at Edna Mendoza kamakalawa upang alamin ang estado ng kaso ng dalawang barangay kapitan na dinakip dahil sa alegasyon ng droga. May special treatment umano ang mga nadakip na suspek.
Ngunit nairita diumano ang hepe ng pulisya na si Chief Inspector Giovannie Ladeo sa mga pagtatanong ng dalawang reporter at nagalit ito hanggang sa magpaputok ng kanyang pistol at hinamon pa ng suntukan si Bacalanmo.
Itinanggi naman ng opisyal ang alegasyon at sinabing accidental firing ang nangyari, ngunit kahapon ay inilabas rin ng Bombo Radyo ang buong audio recording ng naganap. Nabatid na sinibak sa kanyang puwesto si Ladeo habang iniimbestigasyon ng provincial police office ang kaso.
Sa Tagalog transcript ng Visayan audio recording na inilabas ng Bombo Radyo sa General Santos City ay ito ang nakasaad:
Ladeo: Dapat ibalita nyo na yan
Jojo: ‘Yan ano nga pala ang status sir?
Ladeo: Kung tayo ang i-buybust sino ang hindi magreklamo na ipasok kapitan ‘yan eh, lintek! Putang Ina!
Jojo: Bakit ano pala..?
Ladeo: Subukan mong ipasok yan ano ang masabi ng lokal?
Jojo: So, parang na pressure kayo ikaw ang na pressure ngayon…(putok ng baril!)
Ladeo: Ako pa ang sinisisi nyo tingnan nyo naman ng maayos.
Jojo: Hindi naman ganoon sir…
Ladeo: Eh kung i-buybust ko kayo tingnan natin kung sino ang maghiling. Mabait naman ako kung may humiling. Ngayon yan hindi ko maintindihan subukan nyo ngang ipasok ang mga iyan sa karami-rami ng mga adik na napasok sa kulungan na, ah, kung ipasok mo dyan anong mangyari niyan kung mamatay ang mga iyan hindi nyo naintindihan eh, nagtatrabaho nga lang tayo.
Jojo: Pinuntahan ka namin dito tapos pinaputukan mo pa ako.
Ladeo: Yan nga ang lumabas sa media pina-pa explain na tayo doon sa region. Tama ba yan, kasalanan ko ba yan? Sinong hindi mainis niyan? Oh, Diyos, ko iniwanan nyo ako ng tao tapos ako ngayon ang ipitin.
Jojo: Sino ba talaga ang magkustudiya niyan, sir?
Ladeo: Isipin nyo rin kahit sino pa, uh, iwanan ka ng tao ako ngayon ang sinisisi. Hindi nyo nakita ang napakaraming accomplishment namin kahapon napakaraming SW (search warrant) ‘yon, nakita nyo?
Jojo: Nareport na namin yan sir.
Ladeo: Paano kayo makatulong niyan pinagsisikapan nating maimplement ang double barrel maparami ang magsurender parang nawalan na ako ng malay. Narinig mo kanina nag-usap kami sa aking deputy para mabawas-bawasan…barilan na lamang tayo kung sinong matapang diyan.
Jojo: Ako wala akong baril (patawa) hindi ako lalaban…
Ladeo: Suntukan…parang mawalan na ako ng malay, ano na naman ang ibalik mo sa akin so naiinis ako eh.
Naganap ito kasabay ng paglabas ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan ng proteksyon ang media sa bansa mula sa lahat ng mga banta sa kanilang buhay at Karapatan. (Mindanao Examiner)