
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Oct. 6, 2013) – Nagmistulang fish pond ang ilang mga refugee shelters sa Zamboanga City dahil sa bagyong pumasok sa Mindanao at maraming mga barangay rin ang lubog sa baha.
Libo-libong mga refugees na biktima ng tatlong linggong sagupaan sa pagitan ng militar at rebeldeng Moro National Liberation Front ang halos walang matulungan dahil sa binaha ang kanilang mga tent sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex.
Halos magmakaawa ang mga refugees dahil sa sinapit na kalamidad – gutom at lamig ang tanging reklamo ng mga ito.
Maging ang grandstand na sinisilungan ng karamihan ay pinasok rin ng ulan at apektado ang mga bata doon. Maging sa labas ng sports complex na kung saan ay nagtayo rin ng mga tent ang maraming refugees ay halos maiyak sa hirap na dinaranas.
Kakulangan sa mga tent, latrines o palingkuran at pagkain ang inirereklamo ng karamihan. “Wala kaming masilungan dahil may kanya-kanyang po kaming lugar. Baha na sa loob ng aming tent at sana maawa naman sila sa amin,” ani Melchor San Jose sa Mindanao Examiner.
Donasyon ng United Nations ang mga tent sa sports complex ngunit hindi lahat ng refugees ay nabigyan nito. Maging sa Barangay Santa Maria na kung saan ay maraming mga refugees ang pansamantalang nasa compound ng isang paaralan ay lubog rin sa baha kung kaya’t napilitan ang mga ito na lumikas sa ibang evacuation center.
Pinayagan naman ng Crisis Management Committee ang mga residente na makabalik na sa kanilang mga barangay matapos ng isinagawang clearing operations ng pulisya.
Sinabi sa Mindanao Examiner ni Chief Inspector Ariel Huesca, ang regional police spokesman, na dapat pa rin mag-ingat ang mga residente at ipagbigay alam sa kanila kung may matagpuang mga bala o pampasabog sa kanilang mga lugar.
“Barangay officials are urged to remind constituents to be wary of foreign objects and to report any sighting of such to nearest police and military outpost immediately. Barangay officials are also directed to facilitate the orderly return of the residents to their homes,” pahayag pa ni Huesca. (Mindanao Examiner)