
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Sept. 8, 2013) – Dalawa ang patay at 2 rin ang sugatan sa hiwalay na pamamaril sa magulong lalawigan ng Zamboanga del Sur na kung saan ay talamak ang mga kaso ng pamamaslang na inuugnay sa mga hired killers.
Sa Pagadian City ay niratrat ng mga armadong naka-motorsiklo ang Barangay Chairman ng Old Labangan sa Zamboanag del Sur na si Mohibat Pagayao at ang kapatid nitong parak na si PO3 Muktar Pagayao habang pabalik sila sa kanilang bahay sakay rin ng isang motorsiklo.
Nakipagpalitan pa ng putok ang parak kung kaya’t napilitan ang mga hinihinalang hired killers na tumakas at iwan ang dalawang sugatan.
Galing ang dalawang biktima sa isang seminar sa Springland Hotel and Resort ng sila’y tambangan sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Purok Tapul. Hindi pa mabatid ang motibo sa atake.
Isang magsasaka rin na si Henry Coluban ang napatay rin ng isang armado habang nakikipag-inuman ito sa mga kaibigan sa birthday party sa bayan ng Margosatubig sa Zamboanga del Sur province.
Agad rin tumakas ang salarin matapos nitong barilin sa ulo ng dalawang beses sa harapan ng mga hintatakot na kaibigan.
Dalawang magbarkada rin na sina Jomar Espaniola at Gelson Abogada ang niratrat sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Dimataling sa Zamboanga del Sur ng di-kilalang salarin na armado ng M16 rifle.
Sinilip umano ng salarin sa bintana ang dalawa at saka sila niratrat at napatay mismo si Abogada na may tama ng 6 na bala sa katawan. Sugatan at nasa kritikal na kondisyon naman si Espaniola dahil sa 3 tama ng bala sa dibdib at ngayon ay nasa pagamutan sa Pagadian City.
Hindi rin mabatid ng pulisya ang motibo sa atake at patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mindanao Examiner)