
Ang daming isiniwalat ng Commission on Audit ukol sa mga ma-anolmayang proyekto at ang ikinakatakot ng taong-bayan ang ang posibleng pagtatakip ng pamahalaan at maging ng Kongreso at Senado dahil sa pagkakasangkot ng ilang mga mambabatas na nagbigay ng milyon-milyong pisong pondo sa mga umano’y bogus na nongovernmental organizations. At ano ang kapalit nito?
Ng sumuko si Napoles kay Pangulong Aquino ay marami ang nagulat at sinamahan pa nito ang bilyonaryang negosyante sa Philippine National Police headquarters sa Camp Crame at saka inihatid kay Chief PNP Alan Purisima, siyempre naroon rin si Interior Secretary Mar Roxas na nagaambisyong maging susunod na Pangulog ng bansa. Super special VIP treatment naman ang ibinigay ni Pangulong Aquino kay superwoman Napoles. Lumutang tuloy ang isyu ng pagbibigay diumano ni Napoles ng campaign funds noon kay Pangulong Aquino at sa iba pang kaalyado nito.
Hindi naman inilagay sa selda si Napoles at sa halip ay sa isang air conditioned at private room ito nakapiit at ang dahilan ng Palasyo ay nasa selda umano ang housemaid na ipinakulong ni Napoles noon dahil sa diumano’y pagnanakaw. So dapat sana ay inilipat na lamang ng pulisya ang katulong sa ibang selda upang hindi naman kahiya-hiya na ang dating amo ay makakasama nito sa loob ng bilangguan sa Makati City. Pero sadyang malakas talaga itong si Napoles na nahaharap sa kasong serious illegal detention na isinampa ng kanyang kaanak na si Benhur Luy na ngayon ay ang siyang nagaakusa sa socialite. Lubhang napakaliit ng mundo para kay Napoles.
NAKATUTOK ANG PUBLIKO sa imbestigasyon ng mga awtoridad at pamahalaan sa PDAF scam at kung hindi mabibigyan ng hustisya ang taong-bayan ay tiyak nanganganib ang pamahalaang Aquino at maaaring mag-alsa ang militar o mga opisyal at ang publiko na hindi masikmura ang nakawan sa gobyerno.
Matatandaang ilang beses rin nagkaroon ng pagaalsa sa administrasyon ni President Corazon Aquino, ang ina ng kasalukuyang Pangulo, dahil sa ibat-ibang isyu, kabilang na ang paguugnay sa kanya sa komunismo.
SA KABILA NG MALAWAKANG PANAWAGAN na tanggalin na ang PDAF at ibalik sa mga line agencies ng pamahalaan ang mga pondo – P70 milyon bawat taon sa mga miyembro ng Kongreso at P200 milyon naman sa mga senador – upang mapakinabangan ng husto ng taong-bayan ay maraming mga gobernador sa bansa ang ayaw na matanggal ang pork barrel. At ang dahilan nito ay may mga asawa at kapatid o kamag-anakan sila sa Kongreso, aba eh yun naman pala ang dahilan kung kaya’t left and right ang press release ng mga ito media na dapat manatili ang PDAF!
Paano nga naman kung wala ng PDAF, wala na rin bang proyekto sa kanilang distrito? Abangan natin ang susunod na kabanata sa isyu ng pork barrel fund.
MAGANDA ANG PROGRAMA nitong si Lt. Gen. Ricardo Rainier Cruz III, ang hepe ng Eastern Mindanao Command, dahil kaliwa’t-kanan ang mga “Bayanihan” projects nito sa kanyang mga nasasakupang lalawigan – kalahati ng Mindanao!
Bukod sa pagiging magaling at tapat sa kanyang tungkulin ay maayos rin makisama itong si Gen. Cruz sa kanyang mga opisyal at sundalo, gayun rin sa mga empleyado ng Eastern Mindanao Command. Mabait itong si Gen. Cruz, ayon sa ating bubwit diyan sa kampo sa Davao City.
Aba, hindi naman nakapagtataka ang kabaitan at kagalingan nitong si Gen. Cruz dahil noon pa man ng ito ay commander ng 1st Infantry Division sa Zamboanga del Sur ay talagang marami na itong mga accomplishments. Ang masasabi ko dito kay Gen. Cruz ay sadyang mapagkumbaba at hindi mayabang.
May bago palang PIO ngayon ang Eastern Mindanao Command sa katauhan ni Capt. Albert Caber, na dating spokesman ng 1st Infantry Division, na siyang pinanggalingan ni Gen. Cruz. Talagang masuwerte ang Eastern Mindanao Command at naroon ang mga magagaling!
SPEAKING OF MAGALING, hindi naman pahuhuli itong si Brig. Gen. Felicito Trinidad, ang commander ng 1st Infantry Division. At sa unang tingin pa lamang ay talagang makikita mo ang sinsiridad nitong manilbihan sa bayan.
Tulad ni Gen. Cruz ay mabait at magaling rin itong si Gen. Trinidad at masipag, mapagkumbaba at hindi masusukat ang kagalingan nito.
Siyempre naroon rin sa kanya si Capt. Jefferson Somera bilang PIO ng army division. Nagulat ako sa kagalingan nitong si Capt. Somera at sa kanyang batang edad aba eh talagang marunong! Mabilis itong si Capt. Somera sa pagbibigay ng mga balita sa media kung kaya’t masaya at maganda ang relasyon ng media at ng 1st Infantry Division sa Western Mindanao. Malayo ang mararating nitong si Capt. Somera.
Hanggang sa susunod na linggo mga kaibigan. Peace!