
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Aug. 26, 2013) – Pinangungunahan ng mga progresibong grupo sa lungsod ng Cotabato ang kilos-protesta at ipanawagan ang tuluyang pagbuwag ng ma-anomalyang pork barrel system.
Ayon kay Jerome Succor Aba, tagapagsalita ng Kabataan Party Chapter sa Cotabato City, na “habang nagtitiis ang mga kabataang estudyante sa isang masikip na silid-aralan, kawalan ng pasilidad sa mga eskwelahan at taon-taon na pagtaas ng tuition fee ay nagpapasarap naman sa buhay ang matataas na opisyal ng ating gobyerno gamit ang mga ninakaw nilang pera mula sa taong bayan.”
Sinabi naman ng Liga ng Kabataang Moro na “nagsisinungaling si (Pangulong Benigno) Aquinosa taong bayan sa kanyang sinabi na tanggalin na ang pork barrel. Kasama pa rin sa national budget sa susunod na taon ang P25.2B na pondo para sa Priority Development Assistance Fund para sa ating mga mambabatas.”
Dagdag pa ni Nelson Sañada, coordinator ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o COURAGE at presidente ng NFA Employees Union-ARMM, ay dapat ilagay ang pork barrel fund sa serbisyong panlipunan, hindi solusyon ang pag-privitize sa National Food Authority, Water Districts at Regional Hospitals na pangunahing programa ngayon ni Aquino sa ilalim ng Public-Private Partnership.
“Ang sistemang pork barrel ay haram o ipinagbabawal sa relihiyong Islam. Ang sistemang ito ay ginagamit ng rehimen ni Noynoy para makipagsabwatan sa mga kongresista at senador. Oras na matanggap nila ang kanilang “pork barrel” karaniwan na silang nagbubulag bulagan at tumatahimik sa kabila ng matinding korapsyon at anomalya na kinasasangkutan ng Malacañang,” wika naman ni Sandrex Salikula, tagapagsalita ng Suara Bangsamoro.