
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Aug. 23, 2013) – Nagbabala ang pamahalaan ng Pagadian City sa mga may-ari ng negosyo na pumapalya sa pagbabayad ng kanilang renta sa C3 commercial building na pag-aari ng gobyernong lokal.
Maging ang mga negosyong walang permiso at hindi nagbibigay ng mga resibo sa kanilang customer ay pinagbalaan na rin.
Kamakailan lamang ay dalawang kilalang mga negosyo ang ipinasara sa C3 dahil sa hindi pagbabayad ng renta at pinayagan lamang ng makabayad sa pamahalaan.
“Mabuti yun ganoon dahil kung hindi naman gagawin ng pamahalaan ay tayo rin ang malulugi dahil pera at buwis ng publiko ang ginagamit diyan. Okay itong ginawa ng ating mga opisyal,” ani Toto Mangubat sa Mindanao Examiner.
Nanumbalik na rin ang tiwala ng publiko sa pamahalaan dahil sa mga repormang ipinatutupad ni Mayor Romeo Pulmones sa lungsod. Nanawagan naman si Pulmones sa publiko na ipagpatuloy ang kanilang suporta sa pagbabago upang lalong mapaunlad ang Pagadian.
Ang lungsod ang siyang sentro ng kalakal sa Western Mindanao. (Mindanao Examiner)