
MANILA (Mindanao Examiner / Aug. 15, 2013) – Sinuportahan ng media group Alab ng Mamamahayag ang petisyon ng National Union of Journalists of the Philippines kontra Senate Bill 380 o Magna Carta for Journalists.
Ayon kay ALAM President Jerry Yap, ang batas na iniisponsor ni Senator Jinggoy Estrada ay magagamit upang masikil ang kalayaan sa pamamahayag.
Sa ilalim ng na isinumite ni Estrada noong 14th Congress, magtatatag ng isang organisasyong tatawaging Philippine Council for Journalists kung saan ikaklasipikado ang mga mamamahayag sa dalawang klase.
Mayroong tatawaging ‘legitimate’ journalists na daraan sa isang examination o test at ang makapapasa ay siya lamang magiging accredited journalist.
Ang mga hindi naman makapapasa ay malalagay sa kategoryang non-accredited journalists.
Ang mga ’legitimate’ journalists lamang umano ang makatatanggap ng mga benepisyo ng PCJ pati na ang kanilang mga employers.
Gayunman, kapag 10 taon nang practicing journalist ay hindi na kailangan pang kumuha ng test.
“Gusto siguro nila, bigyan ng board exams ang mga journalist,” ani Yap.
Sinadi pa ni Yap na hindi nakukuha sa exams ang pagiging isang mamamahayag at tulad ng dakilang mamamahayag na si Teodoro Valencia na itinuturing ng lahat na ‘Ama ng Pamamahayag’ ay Grade 6 lamang ang tinapos.
Kahit ngayon, ani Yap ay hindi binibigyan ng bigat ng mga publisher kung nagtapos sa kolehiyo o hindi ang kanilang mga reporter. Ang mahalaga ay marunong silang magsulat at mayroon silang ‘nose for news.’
Kinukwesyon din ni Yap kung sino ang napipisil ni Estrada na gagawa ng board exams para sa mga mamamahayag.
“Kung ang mga elitista na takot na takot sa mga mamamahayag dahil sa mga ginagawa nilang kalokohan, hindi kami sold d’yan,” dagdag pa ni Yap na dating presidente ng National Press Club. “Iba ang standard ang academe at iba rin ang mga journalist. Kaya nga tinawag kaming Fourth Estate, dahil naiiba kami sa karaniwang professionals.”
Sinabi ni Yap na ang nasabing Magna Carta ay hayagang pagsikil sa kalayaan ng pamamahayag sa bansa.
Hindi rin umano kailangan ng mga mamamahayag na ma-accredit ng gobyerno dahil kahit saan pang panig ng mundo, nirerespeto ang mga matitinong mamamahayag.
Bukod ditto, magkakaroon umano ng diskriminasyon sa pagitan ng mga mamamahayag.
“Ano ang gagawin ninyo sa mga journalist na hindi makakapasa sa inyong exam? Itatapon kahit mahusay maghanap ng balita? Ano’ng trabaho ang ibibigay ninyo sa kanila?” pagwawakas pa ni Yap.(Nanet Villafania)