
MAGUINDANAO PROVINCE (Mindanao Exminer / Aug. 15, 2013) – Mariing itinanggi ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement na ito ang nasa likod ng mga malalagim na pambobomba sa ibat-ibang panig ng Mindanao, ngunit inamin naman ang mga atake sa sundalo at military targets sa magulong rehiyon.
Sinabi ni Abu Misry Mama, ang tagapagsalita ng rebeldeng grupo, na ang kanilang ipinaglalaban ay ang kalayaan ng mga Moro sa bansa at hindi umano ito maaaring ituring na terorismo dahil ito ay isang jihad.
“Wala kaming kinalaman diyan sa mga bombahan na iyan. Iba ang ipinaglalaban namin at ito ay ang karapatan ng Bangsamoro,” ani Mama sa panayam ng Mindanao Examiner.
“Hindi kami gumagawa ng anumang bagay na madadamay ang mga inosenteng sibilyan, lalo na ang mga kababaihan at mga bata. Hindi ito naaayon sa Koran,” dagdag pa nito habang hawak ang isang kopya ng pahayagan ng Mindanao Examiner na kung saan ay ang grupo nito ang laman ng balita.
Mariin rin ang pagtanggi ni Mama sa paguugnay ng pamahalaan sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa grupong Jemaah Islamiya o ng al-Qaeda. Maging ang pagsabog ng bomba sa Cotabato City at Cagayan de Oro ay pinasinungalingan nito, subali’t inamin ang atake sa truck ng 2nd Mechanized Battalion sa Maguindanao province kamakailan.
Naunang sinabi ng mga awtoridad na kinukupkop ng grupo ni Mama ang Malaysian Jemaah Islamiya bomber na si Zulkifli Abdul Hir alias Marwan. Mali umano ang intelligence report na natanggap ni Pangulong Benigno Aquino ukol sa grupo ng BIFM at ang army nitong BIFF.
Nagsiwalat rin ng malaking pagdududa si Mama sa mga sunod-sunod na bombahan at kung paanong nakakalusot ang mga ito sa mga checkpoint ng militar sa central at northern Mindanao.
Patuloy pa rin ang pagtugis ng mga tropa sa rebeldeng grupo na nitong buwan lamang ay nakasagupa rin ng militar sa Maguindanao at North Cotabato.
Ang BIFF ay pinamumunuan ni Ameril Umra Kato, na dating lider ng Moro Islamic Liberation Front na ngayon ay may peace talks sa pamahalaang Aquino. Kumalas si Kato sa MILF matapos nitong akusahan ang pinuno na si Murad Ebrahim sa pag-abandona sa kanilang independence war sa Mindanao. (Mark Navales)