
SULU (Mindanao Examiner / Aug. 14, 2013) – Libo-libong katao ang dumagsa sa Hari-Raya festival ng Sulu provincial government sa bayan ng Maimbung na kung saan ay nagmistulang “people-power” ang naturang lugar dahil sa kapal ng mga taong nagsaya sa pagtatapos ng Ramadan.
Katuwang ng provincial government sa ilalim ni Gov. Totoh Tan ang munisipyo ng Maimbung sa pangunguna naman ni Mayor Samier Tan at Vice Gov. Sakur Tan sa naturang kasiyahan na binansagang “Paglami-lami ha mayran sin Maimbung.”
At sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng maraming dekada na napabayaan ang Maimbung ay ngayon lamang nabigyan ng lubos na atensyon ang mga tagaroon sa pag-upo ni Mayor Samier Tan.
Lalong naging masaya ang pagdiriwang dahil sa pagdating ng mga kilalang komedyante at artista sa Hari-Raya festival at Kabilang dito sina Rosanna Roces, Blak Dyak, Danny Labra, Fernando Poe, Jr. (luk-alayk) at iba pang mga show bands na inimbitahan upang lalong mapasaya ang mga taga-Sulu sa pagdiriwang ng Hari-Raya.
Halos hindi na marinig ang mga performers dahil sa matinding hiyawan at pagsabay sa mga kanta ng tinatayang 15,000 katao o mahigit pa. Nagsayawan rin ang mga ito sa tugtog at musika ng mga banda.
At tulad ng nakagisnan ng pamilyang Tan ay nagpakain naman ito sa mga tao sa Maimbung at nakilahok sa ibat-ibang mga programa ng Hari-Raya. Kasama rin si Hajja Nurunisah Tan, ang may-bahay ni Vice Governor Sakur Tan sa pagplano sa festival. Pawang mga pilantropo ang pamilyang Tan at respetado sa Mindanao.
Malaki na ang ipinagbago ng Maimbung dahil na rin sa dami ng proyektong ibinuhos ni Vice Gov. Sakur Tan doon ng ito’y gobernador pa. Ngayon ay may malaking central market na ang nasabing bayan, at may fish port at cold storage facilities na rin. Nagpagawa rin ito ng malaking children’s park doon sa tulong na rin ni Mayor Samier Tan at maging ang mga paaralan at pabahay ay naipatayo na rin.
May restoran na rin sa Maimbung at ngayon ay may elektrisidad at Internet connection na at maging ang mga mangingisda ay naka-wi fi tablet at smart phones na rin.
Nangako naman si Sulu Gov. Totoh Tan at Mayor Samier Tan na lalong pagagandahin hindi lamang ang nasabing bayan, kundi maging ang ibang munisipyo sa lalawigan. (May ulat nina Kum Uddin at Ahl Salinas)