
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Aug. 12, 2013) – Hawak na umano ng mga awtoridad ang isang lider ng New People’s Army na itinuturong kasama sa ambush kay dating Gingoog Mayor Ruthie Guingona.
Ayon sa ulat ng pulisya ay nadakip umano ng mga parak at sundalo si Reynaldo Agcopra alias Ka Tarik sa kanyang hideout sa bayan ng Claveria sa Misamis Oriental province sa northern Mindanao.
Walang ibinigay na detalye ang pulisya at militar ukol sa pagkakadakip kay Arcopra, ngunit Sabado pa umano ito nasukol matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad ukol sa pinagtataguan nito.
Ang pulitiko ay asawa ni dating Vice President Teofisto Guingona at ina naman ni Senator TG Guingona III.
Matatandaang tinambangan ng mga rebelde ang convoy ni Guingona matapos na buwagin ng driver nito ang isang checkpoint ng NPA sa Barangay Binakalan. Sugatan si Guingona sa naturang palitan ng putok ng kanyang mga security at rebelde.
Humingi naman ng tawad ang NPA sa naganap na kung saan ay nasawi ang driver ni Guingona na si Tomas Velasco at ang utol nitong si Nestor.(Mindanao Examiner)