
MAYNILA (Mindanao Examiner / Aug. 9, 2013) – Kinondena ng grupong Alliance of Concerned Teachers ang mga pahayag ni Commissioner Sixto Brilliantes hinggil sa matatanggap na kompensasyon ng mga guro na magsisilbing board of election inspector at support staff ngayong Oktubre sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Batay sa COMELEC Resolution 9751 ay P2,500 ang itinakdang kompensasyon at dagdag na P500 naman kung kasama ang SK, kaya sa kabuuan ay P3000 ang matatanggap ng mga guro.
“Hindi ito katanggap-tanggap sa aming mga guro, malinaw na pambabarat ang ginagawa ng COMELEC dahil maliit ang kanilang inaalok kumpara sa aming hiling na dagdag kompensasyon. Sadyang mahirap magsilbi sa halalang pambaranggay, bukod sa manual ang counting ng boto ay nakararanas pa ng matinding kaguluhan dahil agressibo ang mga lokal na kandidato na manalo at laging naiipit ang mga guro sa bahaging ito,” ani ACT Chairperson Benjamin Valbuena sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Dagdag ni Valbuena, noong nakaraang eleksyon P4000 na ang natatanggap ng mga guro sa kabila ng kanilang panawagan na itaas ito sa P6000. Ang P3000 bayad sa guro para sa barangay elections ay pagmamaliit sa sakripisyo ng mga guro tuwing election. Isa pang isyu rito ang seguridad at legal na proteksyon ng mga guro dahil may mga ilang pagkakataon na sinasampahan sila ng kaso ng mga talunang kandidato.
“Nakalulungkot na tuwing halalan, kaming mga guro na inaasahan ng COMELEC sa pagpapatakbo ng election, ay pinapabayaan naman sa usapin ng kompensasyon at usaping legal. Sa maraming pagkakataon, walang tulong legal ang COMELEC sa mga gurong nakakasuhan at minsan pa ay nagiging complainant pa laban sa mga guro,” dagdag ni Valbuena.
Iginiit din ni Valbuena na nananatili parin ang kanilang paninindigan na gawing voluntary ang pagseserve ng mga guro sa halalan, sinusuportahan nila ang House Bill 444 ng ACT TEACHERS Party-list na naglalayong gawing boluntaryo ang pagseserbisyo sa election ng mga pampublikong guro. Ayon pa sa kanya, lagpas na ito sa tungkulin nila bilang guro. Kaya naman ang dapat na pangangalaga at pagbabantay ng halalan ay bukas at tungkulin din ng lahat ng mamamayan.
“Kapag dagdag kompensasyon at benepisyo para sa mga guro at kawani, laging walang pondo ang gobyerno. Pero pag Pork Barrel, mayroong pondo at may dagdag pa. Kung ganyan ang kalagayan na maliit ang kompensasyon na ibibigay sa mga guro, mas mainam pang huwag nang magsilbi ang teachers sa darating na halalan,” pagtatapos ni Valbuena.