
DAVAO CITY – Planong ibalik ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang P5,000 reward sa sinong makapagtuturo sa mga taong lumalabag sa firecracker ban matapos na maaresto ang 4 katao na umano’y lumabag sa lokal na ordinansa, ayon sa mga ulat.
Mahigit isang dekada na ang ordinansang nagbabawal sa sinuman na magpaputok ng mga firecracker o baril sa pagsalubong sa Kapaskuhan at Bagong Taon.
Dahil sa naturang batas, zero-casualties o walang naiuulat na sugatan o nasawi dahil sa paputok sa Davao City.
Sinabi pa ni Duterte na mas hihigpitan nito ang pagbabantay matapos na mahuli ang 4 katao at dalawa sa mga ito ay barangay kagawad pa umano.
Nagbanta naman ang alkalde sa mga magpapaputok ng armas at lalo na kung may nasawi o nasugatan dahil sa stray bullet at sasampahan mismo nito ng kasong kriminal ang mapapatunayang nagkasala.
Suportado naman ng publiko si Duterte sa kanyang pamamalakad at disiplinang pinaiiral sa Davao, na ngayon ay isa sa mga pinakatahimik sa bansa.
Nagdiwang ng Bagong Taon ang mga tagarito sa pamamagitan ng torotot at sa katunayan ay isang torotot festival pa ang isinagawa dito. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/