
DIPOLOG CITY (Mindanao Examiner / July 16, 2013) – Nilooban ng dalawang armado ang isang lending firm sa Dipolog City at nalimas ang tinatayang P200,000.
Sinabi ni Chief Inspector Ariel Huesca, ang regional police spokesman, na patuloy ang imbestigasyon sa robo at pinaghahanap na rin ng mga awtoridad ang dalawang lalaki.
Nabatid na pinasok ng dalawa ang MCD Credit Corporation sa ikatlong palapag ng Lordel Building sa downtown Dipolog. Armado umano ng baril at granada ang dalawang lalaki kung kaya’t walang nagawa ang mga empleyado.
Agad nilimas ng dalawa ang drawer ng manager na si Jimmy Dampios. Ilang minuto lamang umano nagtagal ang hold-up at mabilis na tumakas ang dalawa.
Hindi naman agad mabatid kung may security guard o CCTV ang nasabing lending firm. Iniutos naman ni Supt. Joven Parcon, ang hepe ng pulisya, ang isang masusing imbestigasyon sa kaso. (Mindanao Examiner)