
MANILA (Mindanao Examiner / July 2, 2013) – Kinondena ng media group Alab ng Mamamahayag ang tangkang pagpatay ngayon araw kay Urdaneta City-based Northern Express Weekly publisher Jaime Aquino.
Kasalukuyang nakikipaglaban sa kamatayan ang biktima sa Villaflor Hospital sa Dagupan City na kung saan ito ginagamit dahil sa tama ng mga bala sa katawan.
Ayon sa ulat na natanggap ni ALAM President Jerry Yap ay nabaril si Aquino ng mga armadong nakasakay sa motorsiklo sa kahabaan ng highway. Makikipagkita umano si Aquino kay local veteran journalist Jong Velasco upang pag-usapan ang kaso ng kanyang anak na nasa kustodiya ng gobyerno.
“Ipagdasal na lamang natin ang kaligtasan ni Aquino,” ani Yap. “Grabe ang tama niya dahil malapit sa puso at may iba pang vital organs na tinamaan din ng bala.”
Ani Yap, isa na naman itong karagdagan sa napakahaba nang unsolved media crimes sa bansa. “Humahaba ang listahan ng mga biktima, wala namang nareresolba,” dagdag pa nito.
Matatandaang umapela si Aquino ng writ of Amparo petition matapos kunin ng Department of Social Welfare and Development ang kanyang 16-anyos na anak na lalaki.
Inaakusan umano si Aquino ng sarili niyang anak na siyang mastermind sa pagpatay sa isang mayor ng Pangasinan noong nakaraang taon.
Sinabi naman ni Berteni Causing, abugado ni Aquino, na isang nongovernmental group na Akap Bata-Caritas ang nagsumite sa Manila Regional Trial Court ng petition na humihingi ng involuntary termination of custody para sa otoridad ng magulang sa menor de edad nilang anak.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) at DSWD ang bata. At ayon sa NBI, sinabi sa kanila ng bata na kasama siya sa isang beach house sa Bolinao noong November 2011 kung saan narinig diumano niya ang kanyang ama na kasama ang dalawa pang pulitiko na nagpalanong patayin si Infanta Mayor Ruperto Martinez.
Binaril ay napatay ng mga motorcycle gunmen si Martinez noong Dec. 12, 2012 ilang oras matapos ang rally ng mga residente na tumututol sa isang local infrastructure project.
Sa amparo petition ni Aquino, hiniling nitong ibigay ang kustodiya ng anak sa kanya o sa ina nitong si Ester. Sinabi pa ni Aquino na hindi kapani-paniwalang witness ang kanyang anak dahil dati itong gumagamit ng droga at may rekord ng pagnanakaw at pagsisinungaling.
Sinabi pa ni Aquino na walang alam ang kanyang anak sa krimen at itinanggi nito ang lahat ng akusasyon sa kanya. Natatakot din umano siya para sa kaligtasan ng kanyang anak at ng kanyang buong pamilya.
Posible umanong may mga gumagamit sa kanyang anak upang idiin siya sa krimeng hindi niya ginawa.
Wala pang lead ang pulisya kung sino ang mga suspek sa krimen. Nananawagan naman si Yap sa Task Force Usig ng Philippine National Police at Task Force 211 ng Department of Justice na agad aksyunan ang naganap na krimen, dahil kung hindi ito mareresolba ay madaragdag na naman ito sa napakahabang listahan ng unsolved media crimes sa bansa. (Nenet L. Villafania)