
ILIGAN CITY (Mindanao Examiner / June 13, 2013) – Matagumpay na naikasa ng Liga ng Makabagong Kabataan sa Iligan City ang Martsa Kagawasan (Kalayaan) laban sa mataas na singil ng kuryente at maging sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na umano’y siyang pangunahing dahilan nitong lahat.
Tinatayang aabot sa 80 kabataan ang nagmartsa nitong Independence Day mula sa harap ng Mindanao State University patungong tanggapan ng Iligan Lights and Power, Inc. o ILPI.
Mariing sigaw ng mga kabataan ang panawagang huwag ituloy ang pagtaas ng singil at agarang ibasura ang EPIRA dahil dagdag itong pahirap sa mga mamamayan.
Sinabi naman ni Max Savandal ng LMK-Iligan, na “Huwad na kalayaan ang meron tayo ngayon, dahil patuloy pa rin na pinakikialalaman ng mga dayuhang bansa ang ating ekonomiya at politika. dagdag pa, tali pa rin sa kahirapan at biktima ng mahal na mga presyo ng bilihin, petrolyo, bayarin sa paaralan at dito sa Iligan ngayon ay ang mahal na kuryente. sadyang hindi makatarungan.”
Ang nasabing pagkilos ay isinagawa sa kataunan ng ika-115 umano na paggunita ng bansa sa kalayaan nito mula sa dayuhang Espanya.
Sa pahayag ni Paul Fenis, ng Liga ng Makabagong Kabataan-Ranao na “paninindigan natin sa LMK-Ranao na hindi lubos at ganap na malaya ang sambayanan dahil patuloy na gapos ito sa paniniil sa mga karapatan ng pamahalaan at mga naghahari sa ekonomiya.”
Nagdaos ng programa ang mga kabataan sa harap ng tanggapan ng ILPI dala ang mga placards, panawagang streamer, kabaong sumisimbolo sa lagay ng mga mamamayan epekto ng walang humpay na pagtaas ng mga presyo ng bilihin at nagsunog ng simbolong ilaw ng privatization sa electric industry at EPIRA.
Matatandaang pumasa taong 2001 ang EPIRA upang bigyang daan ang pagsasapribado sa industriya ng elektirisidad matapos ang sampung taon.
Magpapatuloy umano ang mga pagkilos laban sa mahal na kuryente at EPIRA at mas lalawak pa dahil napatunayang maraming mga anak ng sambayanang tumugon at patuloy na handang tumugon sa panawagan.