
MANILA (Mindanao Examiner / June 5, 2013) – Ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh ay patuloy na nagbibigay serbisyo sa mga “absconded” o takas na manggagawa – kasama na rito ang mga nagtratrabaho sa employer na hindi nila orihinal na sponsor – na nais ayusin ang estado ng kanilang paninirahan at pagtratrabaho sa Saudi Arabia bago matapos ang grace period ng gobyernong Saudi sa Hulyo 3 nitong taon.
Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs sa Mindanao Examiner ay sinabi nito na simula ngayon ang consular field office ng Embahada ay lilipat na sa Villa No. 24, sa corner ng Abdullah Almuwaffafaq Way at Suwayed Bin Habira Streets sa Western Umm Al Hamam District sa Riyadh.
Ang consular field office na ito ay bukas hanggang Hunyo 30 lamang.
Ang mga serbisyo na makukuha sa consular field office na ito ay ang mga sumusunod: Pag-claim ng surrendered passport, pag-renew at pag-extend ng surrendered o expired passport, pagkuha ng travel document, lost passport services, pag-claim ng renewed passport o ng nawalang passport.
Dahil sa dami umano ng mga manggagawa na nais makakuha ng iba’t-ibang serbisyo, kinailangan pa raw ng Embahada na gawing salitan ang araw ng pag-asikaso ng mga babae at lalake.
Sinabi pa ng ahensya na sa mga nais kumuha ng kanilang bagong ni-renew na passport o pinagawang lost passport, pinapaalala ng Embahada na tingnan muna ang website ng Embahada (www.philembassy-riyadh.org) kung nandoon na ang pangalan at handa nang ma-claim ang inyong bagong passport. Tandaan din na dapat dalhin ang resibo (at lumang passport para sa mga nag-renew) upang ma-claim ang inyong bagong passport, ayon pa sa ahensya.