
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / May 25, 2013) – Nabawi kaninang umaga ng militar ang 6 na mga pampasabog sa isang lalaki matapos itong maharang sa checkpoint sa Davao City sa Mindanao.
Sinabi ni Lt. Col. Inocencio Pasaporte, commander ng 69th Infantry Battalion, na iniimbistigahan na ngayon si Joey Atienza, 33, kung ito ba ay miyembro ng rebeldeng New People’s Army o terorista.
Sakay si Atienza ng motorsiklo ng harangin ito ng mga sundalo sa Barangay Mabuhay sa Paquibato district na kilalang kuta ng mga rebelde.
Anim na anti-tank bomb ang nabawi sa lalaki, na residente rin ng naturang lugar.
Nabatid kay Pasaporte na naitimbre umano sa kanila ng mga impormante na may dalang mga bomba si Atienza at kung kaya’t mabilis na naglagay ng checkpoint ang mga sundalo sa lugar.
“Malamang NPA ito. (The arrest) was made possible because of the cooperation and support extended by the residents of Paquibato who revealed the illegal and criminal activities of the NPA in the area,” ani Pasaporte.
“This is a clear manifestation that the people residing in the area of Paquibato are fed up with the terrorist activities and have long wanted peace in Paquibato,” dagdag pa nito.
Hindi naman nagbigay ng anumang pahayag ang NPA na matagal ng nakikibaka upang maitatag ang sariling estado sa bansa. (Mindanao Examiner)