KIDAPAWAN CITY – Patong-patong na kaso ang isinampa ng Department of Justice (DOJ) sa Regional Trial Court sa Kabacan sa North Cotabato laban kay Intan Aban Mantis, isang drug suspek sa naturang lalawigan.
At kabilang sa mga asuntong kinakaharap nito ay illegal possession of drugs, firearms, ammunition at eksplosibo, ngunit ibinasura naman ang kaso laban kay Kolaga Aban Kassan, ang maybahay ni Dadting Malan Kassan, na nasawi dahil sa madugong anti-drug operations sa Purok 9, Sitio Biao sa Barangay Kilada sa bayan ng Matalam noong Mayo 25.
Si Mantis ay nakakulong ngayon sa North Cotabato District Jail sa Kidapawan City habang si Kassan naman ay pinalaya mula sa kustodiya ng Matalam PNP pasado ala-1:00 ng hapon noong Martes.
Ang kaso ay isinampa ng pulisya sa dalawang mga suspek sa Provincial Prosecution ng North Cotabato noong nakaraang linggo matapos na mahuli ang mga suspek. Nabatid na 7 sa mga miyembro ng 105th Base Command ng Bangsamoro Islamic Armed Forces-Moro Islamic Liberation Front ang nasawi sa shootout ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency, pulisya at militar matapos na umano’y manlaban ang mga biktima habang isisilbi ang search warrant sa dalawang mga suspected drug dens sa Kilada.
See media rates: http://mindanaoexaminer.com/ad-rates/