
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / May 19, 2013) – Limang parak ang sugatan matapos itong makipagsagupaan sa mga rebeldeng New People’s Army sa bayan ng Tagbina sa Surigao del Sur province sa Mindanao.
Nagpapatrulya umano ang mga parak ng sila’y tambangan ng NPA sa Barangay Santa Cruz, ngunit hindi pa inaako ng rebeldeng grupo ang naturang ulat na inilabas kahapon ng pulisya sa Caraga region.
Kilalang balwarte ng NPA ang nasabing rehiyon kung kaya’t madalas magsagawa ng patrulya ang pulisya. Base sa ulat ng awtoridad ay tinatayang mahigit tatlong dosenang mga rebelde ang tumira sa grupo ng pulisya.
Inabot pa ng halos kalahating oras ang labanan bago tuluyang tumakas ang NPA.Hindi naman agad mabatid kung may natangay na armas ang mga rebelde.
Ilang ulit ng nagbanta ang NPA na lalo nitong paiigtingin ang opensiba sa Mindanao dahil sa umano’y pagmamalabis ng pulisya at militar sa mga mamamayan at pagsisilbing security ng mga mapinsalang minahan sa naturang rehiyon. (Mindanao Examiner)