NORTH COTABATO – Magkatuwang at patuloy na isusulong ng Civil Service Commission o CSC 12 at ng Provincial Government of Cotabato ang integridad sa gobyerno at tapat na paglilingkod sa mamamayan.
Ito ang naging buod ng usapan sa pagitan nina CSC 12 Regional Director Resurrecion Pueyo at Cotabato Gov. Emmylou Mendoza matapos na magsagawa ng courtesy visit ang una sa Provincial Governor’s Office nitong nakaraang linggo.
Si Pueyo ay katatalaga lamang bilang Regional Director ng CSC 12 at nagsasagawa ngayon ng courtesy visits sa mga Provincial LGUs at iba pang sangay ng gobyerno sa Region 12.
Sinabi ni Pueyo na sa pamamagitan ng programa ng Serbisyong Totoo ng Provincial Government of Cotabato ay makakamtan ng mga Cotabateňo ang tapat at mahusay na serbisyo publiko.
Kaugnay nito pinuri ng opisyal ang administrasyon ni Gov. Mendoza sa patuloy na pagsisikap na maiparating sa mga constituents ang wastong serbisyo alinsunod sa mga proseso, polisiya, at adbokasiya ng CSC.
Kasama din sa courtesy visit si CSC Provincial Field Office Director Ma. Josefina Buenbrazo at nagpasalamat sa patuloy na suporta at pakikiisa ng mga empleyado ng provincial capitol sa isinusulong na mga programa ng CSC.
Sinabi naman ng gobernador na ginagawa ng kanyang administrasyon ang lahat ng makakaya upang mapanatili ang integridad, disiplina, at maayos na serbisyo ng mga manggagawa ng kapitolyo. (Rhoderick Benez)