DAVAO CITY – Personal na sinundo ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa kuta ng New People’s Army (NPA) ang dinukot na deputy police chief President Roxas sa North Cotabato matapos itong palayain ng rebeldeng grupo.
Ilang buwan din ang naging negosasyon bago pumayag ang NPA na palayain si Inspector Menardo Cui na dinukot noon Disyembre 28, 2017. Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Go na sunduin si Cui at ibigay ito sa pulisya.
Sinaksihan din ng Mindanao Examiner Regiona Newspaper ang nangyaring pagpapalaya kay Cui sa bulubunduking bahagi ng Marilog District sa Davao City samantalang sinamahan din ng kalihim si Cui kay Police Regional Director Manuel Gaerlan.
Habang nasa kamay ng mga rebelde, nagpadala ng video si Cui na nagsasabing maayos ang trato sa kanya habang umapela siya kay Pangulong Duterte na ituloy ang peace talks kahit sa pamamagitan ng back channel lamang samantalang nanawagan siya sa militar ng pansamantalang suspension ng operasyon sa lugar.
Si Pangulong Duterte ay kilalang kaibigan ng mga rebelde noong alkalde pa lamang ito sa Davao kung saan kasa-kasama si Go sa pagdalaw ng mga ito sa kuta ng mga rebelde. Pinayuhan ni Go si Cui na bago ang lahat ay unahin nya ang pagbisita sa puntod ng pumanaw na asawa. (Rhoderick Benez)