
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Apr. 26, 2013) – Tinambangan ng mga armado ang convoy ni Mayor Abdulmalik Manamparan ng bayan ng Nunungan sa Lanao del Norte at mahigit sa isang dosena ang napatay, kabilang ang anak nitong babae; at sugatan rin ang walong iba pa.
Sinabi ng militar na naganap ang atake nitong gabi ng Huwebes habang pauwi si mayor at mga supporters nito sa Barangay Malaig. Kabilang ang mayor sa mga sugatan at may hinalang sangkot ang mga kalaban ng pamilyang Manamparan sa pananambang.
Nakilala naman ang nasawing anak ng mayor na si Adnanie Manamparan.
Nasa huling termino na si mayor at ang anak naman nito ang kanyang ikinakampanya at siya rin ang vice mayor. Kabilang ang angkan ng Manamparan sa mga kilalang political dynasty sa central Mindanao.
Walang umako sa atake, ngunit sinabi naman ni Brig. Gen. Daniel Lucero, ang commander ng 1st Infantry Division, na nagpakalat na ito ng mga sundalo upang hanapin ang mga salarin.
“Army units Lanao del Norte and Lanao del Sur were ordered to take pre-emptive measures to prevent the escalation of hostilities. We have deployed troops to track down the ambushers,” ani Lucero sa panayam ng Mindanao Examiner.
Hindi pa makunan ng anumang pahayag ang pamilya ni Manamparan ukol sa naganap, subalit sinabi ni Lucero na malaki ang kinalaman ng rido o clan war sa naganap na pananambang.
“Rido ang most likely na motibo nito dahil Matagal ng away sa pamilya ang pinagmulan niyan at patuloy naman yun imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap. May SITG na rin o Special Investigation Task Group na ginawa ang police authorities in connection with this incident,” wika pa ni Lucero.
Kamakailan lamang ay tinambangan rin ng News People’s Army ang convoy ni Gingoog City Mayor Ruthie Guingona at dalawa sa kasamahan nito ang nasawi matapos na makipagsagupaan sa mga rebelde. (Mindanao Examiner)