KIDAPAWAN CITY – Iginiit ni Special Assistant to the President Bong Go na nasa maayos na kondisyon ang kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sinabi ni Go kasabay ng ambush interview ng mga mamamayag sa isinagawang pagbubukas ng 104th Founding Anniversary ng North Cotabato at Kalivungan Festival 2018 nitong Agosto 26.

Ginawa ni Go ang pahayag kasabay ng panawagan ng mga kritiko ng Pangulo na sumailalim ang presidente sa medical check-up.
Tiniyak din ng opisyal na nasa magandang kondisyon si Duterte at malakas ito taliwas sa inihayag ni CPP-NPA Founding Chairman Jose Maria Sison na na-comatose ang Pangulo. Nagbiro pa si Go na ang mga kritiko nitong nagsasabi na masakitin ang Pangulo ang posibleng mauuna pang bawian ng buhay.
Samantala, pinasalamatan din ni Go si Governor Emmylou Mendoza matapos na inimbitahan siya bilang pangunahing tagapagsalita sa pagbubukas ng isang linggong selebrasiyon ng lalawigan.
Sinabi nito na malaki ang pagbabago ng lalawigan sa larangan ng agrikultura, ekonomiya at naipangat ang probinsiya sa kasalukuyang pamamahala ng punong ehekutibo ng lalawigan.
Matatandaang pinagmumura ni Duterte si Mendoza noon kasagsagan ng 2016 presidential election campaign matapos na sabihin ng governor na huwag gamitin sa pulitika ang naging marahas na pagpapataboy sa mga raliyistang nagprotesta sa Kidapawan City na kung saan 2 ang nasawi at mahigit sa 100 ang sugatan ng pagbabarilin ito ng mga parak.
Ito ay matapos na aprubahan ng Davao City Council ang isang resolusyon na nagbigay ng mahigit sa P31 milyon ang pamahalaang lokal – na kung saan ay mayor noon si Duterte – para ipambili ng bigas at ipamahagi sa mga raliyistang magsasaka na humihingi lamang noon ng bigas sa gobyerno.
Si Mendoza at isang Liberal party member at kaalyado ni dating Pangulong Benigno Aquino. (Mindanao Examiner)