
Todo-bantay ng militar ang pagdating ni Vice President Jejomar Binay sa Zamboanga City. (Mindanao Examiner Photo)
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Apr. 23, 2013) – Nagmistulang kaawa-awa ang mga local media na inimbitahan kahapon sa press conference ng United Nationalist Alliance sa pangunguna ni Vice President Jejomar Binay sa Zamboanga City matapos na pakainin lamang ang ang mga bitbit nitong media mula Maynila.
Tanghali pa lamang ay nasa Lantaka Hotel na ang mga local media upang i-cover ang pagdating ni Binay kasama ang ilang mga senatorial candidates, ngunit dakong alas 2 ng hapon na ito dumating. At ang makikita lamang na pinagsisilbihan ng mga waiters at waitresses sa nasabing hotel ay ang mga television news crew na kasama sa party ni Binay.
Kapuna-puna na pawang mga lamesa lamang ng mga ito at mga staff at campaigners ng UNA mula sa Maynila ang puno ng pagkain, samantalang pawang mga baso lamang ng tubig at nasa harapan ng mga local media.
Wala rin umaasikaso sa mga ito at dinaan na lamang ang kanilang paghihintay at gutom sa ibat-ibang isyu sa pulitika. Hindi rin sila pinuntahan at kinumusta ng mga kandidatong naroon. Namataan sa hotel sina Sen. Gringo Honasan, senatorial bets Mitos Magsaysay, Ernie Maceda, Audrey Zubiri at Nancy Binay.
Hindi naman nakarating si Rep. JV Ejercito Estrada dahil naka-confine ito sa pagamutan matapos na madale ng heat stroke sa kanyang pangangampanya sa Ilocos region nuing nakaraang lingo. Sa litrato sa twitter account ni Ejercito Estrada ay makikita itong nakaratay sa kanyang kuwarto at may dextrose.
Kinaawaan naman ito ng marami dahil sa sinapit na sakit. “I think I must admonish you for not taking good care of yourself. I understand how passionate you are with the campaign. But nephew dear let us please bear in mind how important it is to manage our health as best we can. Let us be reminded health is wealth,” ani pa ni Gilda Reyes V sa kanyang comment sa Facebook wall ni Ejercito Estrada.
Mahigpit ang siguridad sa Lantaka Hotel at puno ng parak at sundalo at kahit sa karagatan ay may mga nagpapatrulyang mga sundalo. (Mindanao Examiner)