NORTH COTABATO — Nagpasaklolo na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamunuan ng Bombo Radyo Philippines na paimbestigahan ang paggamit ng pulis at NBI personnel, para harasin ang mga kagawadng media.
Ayon kay Orly Pangcog, senior area manager ng network, marapat lamang na busisiin ng Presidential Task Force on Media Security ang panibagong paraan ng mga scalawags o pasaway na pulis at NBI sa media harassment, upang alamin kung tumanggap din sila ng pera sa nasabing operasiyon.
Sa isang pahayag, mariing kinokondena ng pamunuan ng network ang nangyaring frame up sa umano’y isinagawang entrapment laban sa Station Manager at News Director ng Bombo Radyo GenSan nitong Setyembre 18.
Anila, hindi kailanman pinapayagan ng Bombo Radyo Philippines ang anumang uri ng korupsyon sa hanay ng kanilang mga broadcasters o maging sa mga station officers na tahasang tumatalakay sa mga isyu ng public interest.
Batay sa ulat, frame up umano ang sinapit ni Bombo GenSan station manager Mr. Jonathan Macailing at Anchorman Salvador Galano matapos na makipagkita kay “KAPA” (Kabus-Padatoon) Group founder na si Mr. Joel Apolinario, para sa isang lunch.
Si Apolinario ay ilang buwan ng binabatikos sa radyo dahil sa isyung pyramiding scam ng KAPA, gayunpaman pinaunlakan pa rin ng dalawa ang imbitasiyon ni Apolinario at pumayag na makipag deal sa kontrata na tutulong si Apolinario sa proyekto ng himpilan.
Ngunit pagkadating sa nabanggit na restaurant, naramdaman ni MMacailing na na-siniset-up siya ni Apolinario nang ituro sa kanya nito ang backpack kung saan umano mayroong pera para sa kanila ni Galano.
Nagpaalam ng maayos si Macailing na wala ring anumang kinain at lumabas patungo sa mall area. Dito na siya hinabol ng ilang pulis at tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi naka-uniporme at puwersahang pinabalik sa loob ng restaurant upang ilatag sa mesa sa kanyang harapan ang hawak nila na naka-bundle na diumanoy 5 milliong piso.
Nitong Miyerkules ay pormal ng kinasuhan ng robbery extortion sa Prosecutor’s Office.
Ito ang kinumpirma ni NBI Sarangani District Office Head Atty. Regner Pineza kungsaan sila ang magsusulong ng kaso bartay naman sa inihaing reklamo ni Apolinario.
Sa reklamo ni Apolinario, humihingi umano ng P10Million ang mga ito at ibinaba sa P5 Milyun upang matigil na ang isyung tinatalakay sa himpilan.
Nanindigan si Apolinario na nakapagbigay na umano siya ng P400,000 para maihinto ang pagtalakay ng isyu sa radyo na ayon sa kay Macailing ay si Apolinario ang nag-aalok. (Rhoderick Beñez)