LANAO DEL SUR (Mindanao Examiner / Apr. 16, 2013) – Malaking problema ang kinakaharap ngayon ni senatorial candidate Chiz Escudero sa Mindanao dahil sa pagkalat ng fatwā na maaaring maka-apekto sa kandidatura nito.
Sa naturang fatwā na inilabas ng mga ulama ay binansagan ng mga ito si Escudero na isang anti-peace at anti-Muslim, at gayun rin ang iba pang mga kandidato na sumuporta at lumagda sa pagsasabatas ng Reproductive Health bill.
Ang fatwā sa Islamic faith ay kalimitang pinakikinggan ng mga Muslim dahil galing ito sa kanilang mga religious leaders. Binabasa rin ang fatwā sa ibat-ibang mosque hindi lamang sa Mindanao, kundi sa buong bansa.
Nagalit umano ang maraming mga Muslim groups dahil rin sa mga nakalipas na pahayag ni Escudero ukol sa peace talks ng pamahalaang Aquino sa Moro Islamic Liberation Front, partikular ang naging paghaharap nina Pangulong Beningo Aquino at rebel chieftain Murad Ebrahim sa Tokyo, Japan nuong Agosto 2011 na kung saan ay sinabi diumano ni Escudero na “ill-advised” ang naturang pagkikita ng dalawa dahil sa kasalukuyang peace talks.
Napabalita na rin kamakakailan ang paglabas ng fatwā ni Sheikh Jamil D. Yahya, ang grand imam ng Marawi City at tumatayong chairman ng Bangsamoro Supreme Council of Ulama sa Mindanao. At inindorso ng Jamio Mindanao Al Islamie o Mindanao Islamic Center ang nasabing fatwā na ngayon ay kalat na sa Mindanao.
Unang na-eskandalo si Escudero ng isuka ito ng mga magulang ng magandang aktres na si Heart Evangelista dahil sa diumano’y pagiging lasenggo nito at pagpatol sa batang modelo. Hiwalay si Escudero sa kanyang asawa at naging isyu ang moralidad nito at ang kinabukasan ng aktres sa mga kamay ng mas matandang pulitiko.
Matatandaang nagpatawag ng press conference ang mga magulang ni Heart at tahasang tinuligsa ng mga ito ang naturang pakikipag-relasyon ng kanilang anak kay Escudero. Sinabi pa ng ama at ina ni Heart na sa tuwing haharap sa kanila si Escudero ay palagi itong lasing o naka-inom at hindi marunong magbigay ng respeto sa sarili nilang tahanan. Binansagan pang arogante ng mga magulang ni Heart ang pulitiko na umano’y na-brainwash na ang dalaga.
Paulit-ulit naman na nakikiusap ang mga magulang ng batang aktres sa matandang si Escudero na layuan ang kanilang anak dahil wala umano itong kinabukasan sa kanya dahil sa pagiging hiwalay nito sa asawa.
May balita pang ginagamit lamang diumano ni Escudero ang kasikatan ng batang aktres para sa sariling political gains. (Mindanao Examiner)