
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Apr. 9, 2013) – Nilamon kahapon ng apoy ang ikatlong palapag ng isang commercial building sa Zamboanga City sa western Mindanao, ngunit wala naman inulat na nasawi sa nasabing sunog.
Nabatid na mismong sa naturang palapag ng ZamSulu Building nagmula ang apoy at isang 11-anyos na bata ang tumalon mula sa bintana at nasalo naman sa ibaba. Isang 65-anyos na matandang babae ay nasaktan rin matapos na maiipit ang daliri nito sa pagmamadaling makaiwas sa apoy.
Nakatakas naman ang mga ibang residente sa pamamagitan ng pagtatali ng mga kumot at saka bumaba mula sa mga palapag nito.
Pagaari umano ng Chua family ang naturang gusali sa Veteran’s Avenue, ngunit hindi naman nagbuigay ng anumang pahayag ang mga miyembro nito.
Ang nasabing gusali ay ginagamit rin bilang residential area at sa ground floor nito ay may banko, cargo forwarder, tailoring shop, tile store, gasul dealer, automotive parts store at dental clinic. Tinatayang aabutin sa mahigit P4 milyon ang pinsala sa sunog na nagtagal ng mahigit sa isang oras.
Isang masusing imbestigasyon ang sinimulan ng Bureau of Fire Protection upang mabatid ang dahilan ng sunog. (Mindanao Examiner. Alvin Lardizabal)