
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 15, 2013) – Dahil sa kaguluhang dulot ng Sultanate of Sulu sa Sabah ay tahasang ng hinimok ni former Malaysian Prime Minister Dr. Mahathir Mohamed ang kanyang pamahalan na itigil na ang bayaran ng umano’y “cession money” sa naturang grupo.
Pinagaawayan ngayon ng Sultanate of Sulu at Malaysia ang pagmamay-ari sa Sabah na kung saan ay may mahigit sa 800,000 mga Pinoy ang naninirahan doon.
Ilang oras lamang sa speedboat ang Sabah mula sa lalawigan ng Tawi-Tawi, ngunit iginiit naman ng Malaysia na sa kanila ang nasabing isla na mayaman sa langis at iba pang natural resources.
Ani Dr. Mahathir sa Malaysian media: “We should reduce or stop altogether paying cession money to the heirs of the Sultan of Sulu as they have broken the agreement when they attacked our soldiers in Sabah.”
Mahigit sa 60 mga followers ng Sultanate of Sulu at 10 Malaysian policemen at sundalo ang nasawi sa labanan matapos na maglunsad ang Malaysia ng opensiba laban sa mahigit 200 mga tauhan ni Sulu Sultan Jamalul Kiram sa pangunguna ng kapatid nitong si Raja Muda Agbimuddin.
Kinondena naman ni Dr. Mahathir ang pagpatay sa mga Malaysian dahil ilan sa kanila ay pinugutan pa ng ulo.
Sinabi ni Dr. Mahathir na sila ang nag-develop sa Sabah na ngayon ay bahagi ng 13 estado ng kanilang bansa at hindi dapat na ituring na kaaway ng mga Tausug.
“The government and people of Malaysia had always been treating the Sulu people well and that they had stayed a long time in Sabah and eventually became Malaysians,” ayon naman sa pahayag ni Dr. Mahathir sa media.
Naunang binatikos ng heir to the Sultanate of Sulu and North Borneo, Sultan Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun, si Sultan Jamalul dahil sa kaguluhan sa Sabah na kung saan ay patuloy ang paglikas ng maraming mga Pinoy doon.
Libo-libong refugees na ngayon ang nasa Sulu at Tawi-Tawi at malaking problema sa pagkain at tirahan ang kinakaharap ngayon ng pamahalaan doon.
Umapela rin si Sultan Sharif Ibrahim sa Malaysia na huwag sasaktan ang mga Pinoy sa Sabah at lutasin ang problema ng walang karahasan. “Hinihingi ko sa Malaysian government na huwag idamay ang mga sibilyan at kawawa naman ang mga ito na nagne-negosyo at nagta-trabaho doon sa Sabah. Kaya nananawagan ako sa ngayon sa Prime Minister ng Malaysia na (si Dato’ Sri Haji Mohammad Najib bin Tun Haji Abdul) ayusin nila ang mga sibilyan at huwag nilang sasaktan at huwag nilang tatawaging mga terrorista dahil kami ang tunay na may-ari ng Sabah, ang Sultanate of Sulu,” ani Sultan Shariff Pulalun.
“Si Jamalul naman, sana ay marami naman paraan at madaraan sa mabuting usapan ito. Dapat inilapit niya sa Mahal natin President (Benigno) Aquino at humingi siya ng tulong upang kausapin ang Malaysian government sa magandang paraan. Hindi maganda ang ginawa niya kasi (isa lamang) siyang Administrator ng Sultanate of Sulu and North Borneo. Bakit niya ginawa iyan? Hindi siya humingi ng pahintulot sa totoong Sultan at wala siyang karapatan na tawaging sultan ang kanyang sarili dahil ang totoong sultan ay si Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun. Sa amin ang mga lupain diyan sa Sabah at hindi yan pagmamay-ari ni Jamalul Kiram dahil administrator lamang siya,” dagdag pa nito.
Si Sultan Sharif Ibrahim ang descendant ni Sultan Mohd Pulalun na siyang namuno sa Sultanate of Sulu and North Borneo nuong 1844. (Mindanao Examiner)