
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 13, 2013) – Ang Zamboanga na binansagang “Asia’s Latin City” ay nahaharap sa malaking krisis ngayon dahil sa matinding kakulangan ng supply ng kuryente.
Apektado na ang nga negosyo at ang publiko sa patuloy na blackout mula 6 hanggang 10 oras araw-araw at walang solusyon ang nakikita sa nasabing problema kundi ang bumili na naman ng mahal na kuryente mula sa mga dambuhalang power producer.
Dahil rin sa krisis ay napasok ng Alsons Power Holdings ang kontrata para sa isang 100-megawatt na coal-fired power plant sa Barangay Talisayan na magsisimulang mag-opetaye sa 2016.
Ngunit kontra naman ang maraming mamamayan sa coal-fired power plant dahil sa dulot nitong polusyon sa kalikasan at pangamba sa kalusugan ng tao at hayup. Ito ay bukod pa sa 10-megawatt na solar power facility sa Zamboanga ng isa pang kumnpanya.
“There is a shortage of electricity and we are dependent on what is being allocated to us by the National Grid Corporation of the Philippines. Right now, we are only getting about 35 megawatts and the city’s power consumption is about 85 megawatts or more,” ani Vic Liozo, board member ng Zamboanga City Electric Cooperative (ZAMCELCO), sa panayam ng Mindanao Examiner.
Lumagda na rin ng kontrata ang ZAMCELCO sa Therma Marine Incorporated ng Aboitiz para sa dagdag na 18 megawatts ng kuryente ngunit hindi naman ito sapat sa requirement ng Zamboanga na aabot sa 80 megawatts.
“Grabe itong sitwasyon sa Zamboanga at matagal na tayong ganito palagi ang problema. Yun air conditioner nga namin sa bahay eh nasira na dahil sa patay-sindi ang kuryente. Sinisisi ko ang ZAMCELCO, NGCP at ang pamahalaan dahil walang nagagawa upang malutas ang problema.
Sinabi naman ng NGCP na mababa angf level ng tubig na kailangan ng hydro-power plants sa Mindanao at ito ang dahilan ng mahabang oras ng blackout hindi lamang sa Zamboanga, ngunit maging sa General Santos City,Pagadian City, Sulu, Tawi-Tawi at iba pang lugar sa Mindanao.
Sinabi naman ni Pedro Rufo Soliven, presidente ng Zamboanga Chamber of Commerce and Industry, na may krisis na ngayon sa kuryente sa Mindanao at dapat ay aksyunan na agad ito ni Pangulong Benigno Aquino at i-invoke ang Section 71 ng Electric Power Industry Reform Act na magbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na tugunan ang problema.
“We, Mindanaoans deserve extra ordinary solution and attention, and Section 71 provides that power to the President to solve the power crisis, by invoking Section 71, red tape can be cut and shorten the lengthy procedure in starting a new power project which normally takes around 2 years to process,” ani Soliven.
Umapela rin si Soliven sa ZAMCELCO na madaliin na ang Interruptible Load Program upang makakuha ng dagdag na kuryente ito mula sa mga malalaking planta sa Zamboanga at pakinabangan ng publiko. Dapat rin umanong pag-aralan ng ZAMCELCO ang pagbili o arkila ng mga modular generator sets.
Ilang beses ng nagkaroon ng krisis sa kuryente sa Mindanao, partikular sa Zamboanga, at ang tanging tugon ng pamahalaan ay ang promosyon ng mahal at maruming coal-fired power plants na ipinagbabawal na sa ibang bansa. (Mindanao Examiner)