
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 13, 2013) – Buhay pa si Raja Muda Agbimuddin Kiram, ang tumatayong lider at kapatid ni Sulu Sultan Jamalul Kiram, na pinaghahanap ngayon ng Malaysian security forces sa North Borneo na parehong inaangkin ng magkabilang grupo.
Kinumpirma mismo kahapon ni Sabah Police Commissioner Datuk Hamza Taib sa Malaysian media na buhay pa nga si Raja Muda Agbimuddin. Nasa wanted list na rin ng naturang bansa si Raja Muda Agbimuddin dahil sa pagkakapatay ng 9 na Malaysian policemen sa labanan na naganap mula pa nuong nakaraang lingo. Nasa 57 na bilang ng napapaslang sa panig ni Raja Muda.
Samantala, lalo pang naghigpit ang Malaysia sa mga residente sa North Borneo o mas kilala bilang Sabah matapos na mabigo ang mga awtoridad na madakip ang grupo ni Raja Muda.
Sinabi ni Hamza na hindi na nila papayagang makabalik pa sa lugar ang mga Pilipinong nagsilikas sa Barangay Tanduo, ang sentro ng kaguluhan, maliban na lamang kung legal na silang residente ng Sabah.
Maging ang mga lupain na kinatitirikan ng mga bahay ng mga Pilipino ay pinagdiskitahan na rin. “We would first verify whether those living there are Malaysians or foreigners, and if the land they had occupied was private or whether it belongs to the Government. If they have no rights on that land, we may not allow them to return,” ani ng opisyal. (Mindanao Examiner)