
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 11, 2013) – Patuloy pa rin ang pagpapadala ng Malaysia sa kanilang peacekeepers sa Mindanao bilang bahagi ng International Monitoring Team sa kabila ng kontrobersyang kinahaharap ng bansa sa North Borneo na kung saan ay wala naman humpay ang operasyon laban sa mga miyembro ng Sultanate of Sulu.
Ang IMT ang siyang nagbabantay at nagpapatupad sa cease-fire sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at militar sa Mindanao.
At nitong Marso 11 ay pormal pang pinasalamatan at pinarangalan ng 6th Infantry Division ang mga opisyal ng Malaysian Royal Army, Navy, Police at iba pang civilian component sa kanilang kabayanihang ipinamalas sa serbisyong inilaan sa tour of duty sa ibat ibang bahagi ng Mindanao sa loob ng isang taon. Tumanggap ang mga ito ng Bronze Cross medal bilang pagpupugay ng pamahalaan sa kanilang serbisyo.
Pero tila ang pagkilala sa kabutihan ng mga Malaysian peace monitors ay kabaligtaran naman sa mga naiuulat namang mga pang-aabuso ng Malaysian forces sa mga Pilipinong Muslim na pinapalayas sa North Borneo na pagaari naman ng Sultanate of Sulu.
Sinabi naman ng bagong head of mission ng IMT Batch 8 na si Maj. Gen. Dato Fadzil Bin Mokhtar na nagkataon lamang umano o coincident ang nangyaring kaguluhan sa Sabah at walang kinalaman dito ang kanilang misyon bilang peace keepers sa Mindanao. “I don’t think so that we arrived (in Mindanao) in the wrong timing and we have no apprehension at all to this new tour of duty,” ani Gen. Dato Fadzil.
Iniwasan naman ni outgoing head of mission ng IMT Batch 7 na si Maj. Gen. Dato Abdul Rahim Bin Mohd Yusuff ang mga tanong kung may kredibilidad pa ang kanilang bansa na magsilbing broker sa peace talks ng pamahalaang Aquino sa MILF dahil sa gulo sa North Borneo.
“I think we are missing the point here, what the IMT is concerned now is to continue our job as mandated by the Philippine government and MILF (and that is) to monitor the cease-fire. What is above is beyond our mandate,” ani pa ng opisyal. (Mindanao Examiner. Ferdinandh Cabrera)