
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 11, 2013) – Nahaharap sa kaso ang isang sarhento ng Philippine Air Force matapos umanong pagmumurahin nito at agawin ang armas ng isang pulis sa Zamboanga City.
Ayon sa ulat ng pulisya ay nabatid na lasing umano ang sarhento at napag-tripan ang parak na nagbabantay sa outpost sa Barangay San Jose Gusu.
Aa reklamo ng parak ay nilapitan diumano ito ng lasing na sundalo at kung anu-ano ang pinagsasabi sa katauhan ng alagad ng batas. Pinagsabihan pa ng parak ang sundalo na umuwi na lamang sa kanilang bahay dahil sa kalasingan nito, ngunit lalong nag-init ang sundalo at sinunggaban agad ang baril ng parak, ayon kay Insp. Ariel Huesca, ang regional spokesman ng pulisya.
Mabuti na lamang at mabilis na naitulak ng pulis ang sundalo at ito’y inaresto. Nakapiit ngayon sa kulungan ang naturang sundalo. Hindi naman agad mabatid kung masisibak ba sa serbisyo ang sundalo dahil sa paglabag nito sa batas. (Mindanao Examiner)