
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 10, 2013) – “Pajak” o renta ang turing ng Sultanate of Sulu sa katiting na salaping ibinabayad ng Malaysia kapalit ng pagsakiop nito sa North Borneo na kung tawagin ngayon ay Sabah.
Ito ang iginigiit ng kampo ni Sulu Sultan Jamalul Kiram, ngunit sa mga dokumentong nakalap ng Abante ay lumalabas na “cession money” ang tinatanggap ng Sultanate of Sulu bilang kabayaran sa Sabah.
At sa mga papeles na ito ay kapuna-puna na kay Sultan Fuad Kiram, isa sa mga nagpapakilalang tunay na pinuno ng Sultanate of Sulu and North Borneo, napupunta ang salapi na nagkakahalaga lamang sa pagitan ng P70,000 hanggang P77,000 bawat taon.
Unang napabvalita noon na ang kapatid ni Sultan Jamalul na si Sultan Esmail ang tumatanggap ng kabayaran at cesion money rin umano ang nakalagay sa mga papeles na galing mismo sa Malaysian Embassy.
Hindi naman umano makapag-reklamo sina Sultan Fuad at Esmail dahil kung hindi nila tatanggpain ang mga tseke ay mapapaso lamang ang mga nito. Pinaninindigan rin ng Malaysia na cession money ang kanilang ibinabayad sa Sultanate of Sulu.
Ngunit bukod kina Sultan Fuad at Esmail ay nariyan pa ang mga ibang descendant ng Sultan of Sulu Sultan Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun na kamakailan ay lumutang na rin sa Zamboanga upang umapela sa Malaysia na huwag sasaktan ang mga Pinoy sa Sabah sa likod ng patuloy na opensiba ng bansa kontra 200 mga sultanate followers.
Nariyan rin ang descendant ni Sultan Muedzul Lail Tan Kiram, ngunit ang huling kinilalang sultan ng Pilipinas ay si Sultan Mohd. Mahakuttah A. Kiram na namuno mukla 1974 hanggang 1986. At ang unang namuno sa Sultanate of Sulu ay si Sultan Sharif ul-Hashim nuong 1450 hanggang 1480. (Mindanao Examiner)