
MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / Mar. 9, 2013) – Magkahiwalay na inilunsad sa mga bayan ng Buluan at Parang sa Maguindanao province ang kauna-unahang Senior Citizens Summit.
Layon nito na iorgansa at mas palawigin pa ang serbisyong dapat na natatanggap at natatamasa ng mga senior citizens sa lalawigan ayon sa kanilang Provincial Social and Welfare Development Officer Barbara Guialel. “Our aim here is to organize and institutionalize ang sektor nila,” ani Guialel.
Unang ginanap ang summit sa ikalawang distrito ng lalawigan sa mismong bayan ng Buluan nitong nitong Marso 7 na dinaluhan ng mga matatandang kababayan mula sa 26 na bayan sa lalawigan na tinatayang may 700 delegado.
Nasundan pa ito ng isang pang summit sa bayan naman ng Parang nitong Marso 9 sa unang distrito kung saan nanggagaling sa 11 bayan ang daan-daan pang mga delegadong dumating.
Ayon naman kay Senior Citizen Federation President of Maguindanao Bai Lucy Sinsuat, nagagalak sila dahil nabigyan ng boses at pagpapahalaga sa kasalukyang administrasyon na hindi umano naramdaman sa mga nagdaang administrasyon.
“Labis po ang aming pasasalamat sa sinsirong pagbibigay halaga sa aming sektor ng kasalukuyang administrasyon ni Governor Toto Mangudadatu,” ani Sinsuat sa kanyang talumpati.
Isang opisina ang ipinatayo sa bayan ng South Upi para sa pederasyon ng mga senior citizens na kanilang nagsisilbi ngayong provincial office. At mga livelihood projects na ipanamumudmod tulad ng mga rubber seedlings na paghahati-hatian ng grupo.
Nanumpa rin sa kanilang tungkulin ang mga bagong hirang na officers ng Federation of Maguindanao Senior Citizens.
Si mensahe ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu ay pabirong nagkuwento ito kung paano daw siya “spoiled” ng kanyang lola noong kabataan niya sa mga panahong hindi ibinibigay ang kagustuhan nya ng kanyang mommy at daddy kaya ganun na lamang ang mga magandang ala-ala niya sa mga lolo at lola ngayon.
Ayon kay Mangudadatu, Gulayan sa Barangay ang matatanggap na proyekto ng mga senior citizens kung saan bibigyan sila ng mga binhi ng mga gulay na nasa awit ng “bahay kubo.”
“Ang layunin natin dito ay upang mabinat pa ang mga muscles ng mga lolo at lola natin habang nasa bakuran ng bahay at nag-aalaga sa mga pananim at makakain ng masustansyang gulay na higit na kailangan nila sa kanilang kalusugan,” ani Mangudadatu.
Umabot sa 3,168 ngayon ang nakakatanggap ng senior citizens pension na tig-P500 bawat senior citizen na may edad 77 pataas at daan daan pa ang nasa waiting list.
Inaayos na ng probinsya ang kabuang 1% na alokasyon sa total provincial budget ng lalawigan na ilalan para sa mga senior citizen na nakasaad sa batas inaasahang mas palalawigin pa umano.
Itoy matapos ipatawag ni Assemblyman Khadaffy Mangudadatu ang provincial social welfare office ng Maguindanao upang pag usapan ang mga rekomendasyon na siyang babalangkasin ng Regional Legislative Assembly nang sa gayon ay mas palawigin pa ang nasasakupan ng Republic Act 9994 implementing rules ng Senior Citizens.
Samantala, nag-alay naman ng panalangin ang mga senior citizens kasama ang provincial leadership sa mga kapatid at kababayang apektado ngayon ng hidwaan sa Sabah sa pagitan ng Royal Army of Sultanate of Sulu at Malaysian forces.
Nagsindi ng kandila at nanalagin ng kapayapaan at madaliang pagresolba sa sigalot upang di na umano lalawak ang hidwaan at napipintong makakaapekto sa mas nakararami. (Mindanao Examiner. Lance Ballentes)