
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Mar. 6, 2013) – Posibleng sumiklab ang gulo sa pagitan ng mga angkan ng Muslim sa Mindanao matapos na dukutin umano ng mga di-kilalang lalaki ang bayaw ni scam suspect Jacob Rasuman sa Lanao del Norte province.
Inulat na nawawala si Datu Khalid Tomawis na anak naman ni Sultan Yahya Tomawis, na isa sa mga diumano’y kasamahan ni Rasuman na siyang itinuturo na nasa likod ng “Ponzi” scheme sa Lanao provinces.
Dinukot umano si Tomawis sa bayan ng Balo-i na kung saan ay natagpuan ang sasakyan nito na iniwan sa Barangay Dadapa. Galing ito sa Marawi City at patungo sana sa kanyang bahay sa Iligan City ng harangin sa gitna ng kalsada sa bayan ng Balo-i sa Lanao del Norte.
Wala pang umamin sa pagdukot kay Tomawis, ngunit malaki ang hinala na hinila ito upang mapuwersa ang pamilyang Tomawis o Rasuman na bayaran ang mga salaping inilagak ng mga Muslim sa scam. Ngunit kinakatakutan naman na maghiganti ang angkan ni Tomawis sa naganap.
Sinabi naman ngayon ni Brig. Gen. Daniel Lucero, commander ng militar sa kalapit na Lanao del Sur, na mahigpit ang kanilang pagbabantay sa lalawigan upang mapigilan ang anumang karahasan dahil sa scam.
Maging ang bahay ni Rasuman sa Marawi City ay binabantayan na rin ng mga sundalo dahil balak umano itong sunugin ng mga nalokong investors. “Mahigpit ang siguridad namin ngayon dito sa Marawi City together with the police dahil baka sunugin ng mga tao ang bahay ni Rasuman sa sobrang galit nila,” ani Lucero sa Mindanao Examiner.
Si Rasuman ay nagsabing naglagay rin siya ng milyon-milyong piso sa Aman Futures ni Manuel Amalilio sa Pagadian City, ngunit lingid sa kaalaman ni Rasuman ay isa rin itong scam na ang pangako sa mga investors ay 50% interest sa loob ng dalawang lingo.
Si Amalilio, na isang Malaysian national, ay tumakas na patungong Sabah nuong nakaraang taon matapos itong pumalya sa pagbayad sa mga investors. Tinatayang halos P2 bilyon ang natangay nito sa investors at kasabwat ang ilang mga malalaking tao at pulitiko. (Mindanao Examiner)