
Todo-basa ng pahayagang Mindanao Examiner ang maraming mga Muslim na nagsama-sama sa Plaza Pershing sa Zamboanga City upang mag-huntahan ukol sa isyu ng kaguluhan sa North Borneo na kung saan ay binomba ng Malaysian jets at mga tangke ang kinalalagyan ng mga taga-sunod ni Sultan Jamalul Kiram sa bayan ng Lahad Datu. Pagaari ng Sultante of Sulu ang North Borneo, ngunit inaangkin naman ito ng Malaysia. (Kuha ni Alvin Lardizabal)
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 5, 2013) – Alarmado na ang mga lalawigan ng Tawi-Tawi at Sulu, at maging Zamboanga ay nababahala na rin sa kaguluhan sa North Borneo na kung saan ay tinira na ng Malaysia ang mahigit sa 200 followers ng Sultanate of Sulu.
Mismong si Sulu Gov. Sakur Tan at Tawi-Tawi Gov. Sadikul Sahali ang ngayon ay nangangamba sa kaligtasan ng mga Pilipino, partikular ang mga Tausug, sa naturang lugar. Posibleng maghigpit ng todo ang Malaysia sa mga illegal immigrants sa North Borneo kaugnay sa kaguluhan.
“Ang kaligtasan ng mga Pilipino, lalo na yun mga Tausug na mula sa Sulu at Tawi-Tawi, at Basilan ang aming concern ngayon. Gayun rin ang impact nitong gulo sa aming ekonomiya dahil siguradong pag pinalayas sila ng Malaysia sa Sabah ay walang mga trabaho yan sa kanilang pagbabalik at problema yan,” ani Tan sa pahayagang Mindanao Examiner.
Ito rin ang panananaw ni Sahali. “Yan nga ang problema namin ngayon dahil karamihan ng aming mga (stocks) na ibinibenta sa Tawi-Tawi ay galing ng Malaysia at ngayon pa lamang ay apektado na nga kami dahil naghigpit na sila sa mga biyahero mula Tawi-Tawi o Sabah,” sabi pa ni Sahali.
Nanawagan si Tan sa mga followers ng Sultanate of Sulu na ibaba muna ang kanilang mga armas at saka pag-usapan ang problema na may kinalaman sa isyu ng North Borneo o Sabah kung tawagin ng Malaysia.
Iginiiit naman ni Sulu Sultan Jamalul Kiram na kapayapaan ang kanilang tanging hangad sa North Borneo na pagaari ng Sultanate of Sulu, ngunit marahas naman ang naging pagtugon dito ng Malaysia na umaangkin sa nasabing isla sa kabila ng patuloy na pagbayad nito ng umano’y cession money kay Sultan Fuad na isa lamang sa maraming nagsasabing sila ang tunay na tagapag-mana sa trono.
Nitong Linggo lamang ay pinalayas ng Malaysia ang 289 mga Pilipinong dinakip sa North Borneo dahil sa ibat-ibang kaso. Dumating sa Zamboanga City ang mga ito sakay ng isang barko, ngunit ayon sa Department of Social Welfare and Development ay walang kinalaman ang deportation sa kaguluhan doon.
Sinabi ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz ay tutulungan ng pamahalaang Aquino ang mga deportees upang maipasok sa reintegration program at mabigyan ng hanap-buhay.
“The DOLE helped facilitate their smooth arrival, and we are ready with our reintegration programs and other services for other Filipinos who may decide to return to the country either for good or to wait for the situation to stabilize before returning to Sabah,” ani Baldoz.
Patuloy naman ang paguusap nina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at ang Malaysian Foreign Minister Dato Sri’ Anifah Aman, kasama Malaysian Defense Minister Dato’ Seri Dr. Ahmad Zamid Hamidi upang solusyunan ang kaguluhan sa North Borneo. Subalit sa kabila nito ay wala naman humpay ang atake ng Malaysian security forces sa grupo ni Raja Muda Agbimuddin Kiram sa North Borneo.
Sa Zamboanga City ay sinabi naman ni Mayor Celso Lobregat na inalertuhan na nito ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan uoang paghandaan ang anumang magaganap sa North Borneo. “We hope there will be no crackdown on Filipinos in Sabah so there will be no increase in the repatriation,” ani Lobregat.
Inaabangan ng mga Muslim sa Zamboanga ang anumang balita ukol sa kaguluhan doon dahil marami sa kanila ang sumusuporta kay Sultan Jamalul. Tinatayang aabot sa halos 800,000 Pilipino ang nasa Sabah. (Mindanao Examiner)