
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 3, 2013) – Hindi na umano ma-contact sa kanyang cell phone ang lider ng grupo at kapatid na ipinadala ni Sultan Jamalul Kiram sa North Borneo matapos labanan na naganap sa bayan ng Lahad Datu na kung saan ay huling nakapuwesto ang mahigit sa 200 miyembro ng Sultanate of Sulu and North Borneo.
Hindi na rin nagbibigay ng anumang pahayag si Sultan Jamalul ngunit nagbitaw ito ng banta na kung anuman ang mangyari sa kanyang grupo sa North Borneo ay baka umano mag-alsa ang mga Tausug at Muslim sa bansa upang maghiganti.
Huling nakausap ni Sultan Jamalul ang kapatid na si Raja Muda Agbimuddin Kiram nuong Sabado pa at hindi na matawagan sa ngayon. Hindi naman mabatid kung napatay ba ito o nakatakas sa assault na ginawa ng Malaysian security forces sa kanila.
Nanawagan naman ang anak ni Sultan Jamalul na si Princess Jacel sa pamahalaan na makipag-usap sa kanyang ama upang maresolba ng payapa ang standoff sa North Borneo, ngunit matigas naman ang pamahalaang Aquino at sa halip ay pinasusuko pa ng walang anumang kondisyon ang grupo ni Raja Muda Agbimuddin.
Ito rin ang panawagan ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda at Sec. Ricky Carandang, hepe ng Communications Development and Strategic Planning Office ng Malakanyang, sa mga tauhan ni Sultan Jamalul na sumuko na lamang ng mapayapa upang maiwasan ang pagdanak pa ng dugo.
Nagkalat rin sa Facebook ang mga larawan na sinasabing mga nasawi sa panig ni Sultan Jamalul, ngunit lahat naman ng mga ito ay pawang mga library pictures ng mga Thai soldiers. May balita pa sa Facebook na umabot sa mahigit 60 ang nasawi sa panig ng Malaysian security forces, ngunit pinasinugalingan naman ito ng Kuala Lumpur. (Mindanao Examiner)