
COMPOSTELA VALLEY – Pinakawalan ng New People’s Army ang dalawang sundalong bihag nito, ngunit hawak pa rin ng rebeldeng grupo ang dalawa pang tropa ng militar at tatlong parak sa Mindanao.
Nakilala ang mga pinalayang sundalo ng 60th Infantry Battalion na sina Pfc. Alvin Ricarte at Cpl. Benjamin Enot Samano at pormal silang ibinigay kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte nitong Disyember 21. Tumulong si Duterte sa negosasyon upang mapalaya ang mga prisoners of war sa bayan ng Montevista sa Compostela Valley province.
Agad naman dinala ni Duterte ang mga sundalo sa kanilang kampo sa Eastern Mindanao Command sa Davao City matapos nitong sunduin ang mga bihag.
Dinukot ang mga ito nitong Disyembre 2 sa bayan ng New Corella sa Davao del Norte matapos na lusubin ng mga rebelde ang banana plantation ng Sumitomo Fruits Corporation.
Kasalukuyang nasa briefing session ang dalawang sundalo, ngunit tikom naman ang bibig ng mga opisyal ng Eastern Mindanao Command at 10th Infantry Division sa paglaya ng dalawa, na ayon sa NPA ay malaking sampal sa mukha ng militar dahil sa kabiguan nitong mapigilan ang pagkakabihag at mailigtas ang mga POWs.
Hawak pa rin sa kasalukuyan ng NPA sina Pvts. Marnel Cinches at Jerrel Yurong, gayun rin sina PO3 Democrito Polvorosa, PO1 Marichel Contemplo at PO1 Junrie Amper bilang POWs.
Sinabi naman ng NPA na pinakawalan ang dalawang sundalo dahil sa humanitarian reason matapos na umapela ang kanilang pamilya para sa agarang paglaya ng mga bihag.
Inaasahan rin ang paglaya ng iba pang mga bihag sa lalong madaling panahon matapos na mag-deklara ang militar, pulisya at NPA ng isang truce para sa kapaskuhan. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/