
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Feb. 14, 2013) – Patuloy na lumalala ang sitwasyon ng supply ng kuryente sa Zamboanga City na kung saan ay inaabot ng 3 oras o higit pa ang araw-araw na blackout sa binansagang “Asia’s Latin City”.
At posible pang abutin ito ng hanggang 6 oras sa mga darating na buwan, ngunit sinisisi naman ng Zamboanga City Electric Cooperative ang kakulangan ng kuryente na ibinibigay ng National Grid Corporation (NGCP) sa naturang lungsod.
Ngunit hugas-kamay naman ang NGCP sa kakulangan ng supply ng elektrisidad at sinabing ang National Power Corporation ang siyang nagpapatupad kung anong lugar at ilang megawatts ang dapat ibawas sa kuryente.
Kulang umano sa supply ng tubig ang hydropower facilities sa Mindanao kung kaya’t palaging blackout sa Zamboanga. Malaki na rin ang epekto nito sa negosyo, partikular ang maliliit na establishments at mga kaiinan.
May balitang papasok na naman ang Zamboanga City Electric Cooperative sa isang kontrata sa Therma Marine Inc. ng Aboitiz para sa dagdag na kuryente mula sa power barge.
Nuong nakaraang taon ay bumili rin ng 18 megawatts ng kuryente ang cooperative sa TMI.
Isang 100-megawatt coal-fired power plant ng Conal ang itatayo rin Zamboanga City, ngunit inaalmahan naman ito ng mga residente sa Barangay Talisayan na kung saan ito naka-plano dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan at kalusugan.
Ngunit pabor naman ang mga opisyal sa nasabing proyekto at katunayan ay binigyan agad ito ng pahintulot kahit wala pang public consultation. (Mindanao Examiner)