
MANILA (Mindanao Examiner / Feb. 14, 2013) – Dismayado ngayon ang
Alab ng Mamamahayag (ALAM) party list matapos na magturuan naman ang mga pamunuan ng National Bureau of Investigation at Bureau of Jail Management and Penology sa anggulong “suicide” ni Dennis Aranas, isa sa mga pangunahing testigo sa pagpatay kay environmentalist-broadcaster Doc Gerry Ortega.
Matatandaang batay sa post-mortem examination na ipinalabas ng Public Attorney’s Office ay strangulation o pagsakal ang ikinamatay ni Aranas.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, ngayon ay sinasabi ng NBI na hindi galing sa kanila ang anggulong “suicide” ni Aranas. Idinahilan pa umano ni NBI-medico-legal division head Dr. Alvin David na kahit ayon autopsy report nila ay “asphyxia by hanging” ang sanhi ng pagkamatay ni Aranas, hindi umano ito nangangahulugang nag-suicide ang biktima.
“Eh sino ngayon ang may kasalanan?” Sino ang dapat panagutin sa pagkamatay ni Aranas?,” tanong pa ni Yap.
Matatandaang pinagpapaliwanag ni Justice Sec. Leila de Lima si NBI Director Nonnatus Ceasar Rojas hinggil sa aniya’y “unofficial” autopsy report ng kaniyang tanggapan matapos ilabas ng PAO ang resulta ng post-mortem examination nito.
Sa naturang report ay natukoy na hindi nagpakamatay si Aranas kundi pinagtulungang patayin ng apat na suspek sa loob ng piitan.
Ayon naman kay PAO Chief Persida Rueda Acosta, lumitaw na pinatay si Aranas, na magsisilbi sanang testigo laban sa magkapatid na suspek na sina Palawan Gov. Joel Reyes at Coron Mayor Mario Reyes.
Iginiit naman ni BJMP Calabarzon Director, Chief Supt. Serafin Barretto na nagpakamatay si Aranas sa pamamagitan ng pagbibigti sa kanyang selda sa Quezon District Jail (QDJ) sa Lucena City.
“Ngayong nagkakabulgaran na ng totoo dapat din nating alamin kung nagkaroon ba ng kapabayaan sa panig ng BJMP o nagkabayaran para manahimik ang dapat manahimik,” ani Yap.
Iginiit pa ni Yap na dapat at may mga ulong gumulong dahil sa nasabing kapalpakan. Bukod dito, hiniling din ni Yap na panagutin ‘kung sinuman’ ang nagbayad upang patayin si Aranas.
“Sino ba ang makikinabang kapag namatay si Aranas? Ang problema kasi, alam na ng buong mundo kung sino ang pumatay hindi pa rin natin maikulong. Ano pa ba ang hinihintay natin? Malagas ang lahat ng journalist at brodkaster sa Pilipinas?,” tanong pa ni Yap. (Nanet Villafania)