
MANILA (Mindanao Examiner / Feb. 12, 2013) – Hiniling ngayon ng grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) na paimbestigahang mabuti ng Department of Interior and Local Government ang pagkamatay sa piitan ng isa sa mga suspek sa Doc Gerry, kasunod ng post-mortem examination na ipinalabas ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ayon kay PAO Chief Persida Rueda Acosta, lumitaw na pinatay si Dennis Aranas, na isa sa magsisilbi sanang testigo laban sa magkapatid na sina Palawan Gov. Joel Reyes at Coron Mayor Mario Reyes.
Inamin nitong siya ang naging look-out ng magkapatid noong January 2011 nang patayin si environmentalist Doc. Gerry Ortega, kaugnay ng umano’y paglaspag sa bilyun-bilyong pisong share ng probinsya ng Palawan sa Malampaya gas project.
Iginiit naman ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Calabarzon director, Chief Supt. Serafin Barretto na nagpakamatay si Aranas sa pamamagitan ng pagbibigti sa kanyang selda sa Quezon District Jail sa Lucena City.
Gayunman, sinabi ni ALAM Chairman Jerry Yap na ang ibinulgar ni Acosta ay nangangahulugan lamang na may foul play sa pagkamatay ni Aranas at nagpabaya ang BJMP at National Bureau of Investigation (NBI).
Ayaw umano niyang isiping nagsinungaling ang NBI at BJMP dahil kung magkakaganoon ay nangangahulugan ding nagkabayaran.
Ani Yap, pangunahing testigo si Aranas sa pagkamatay ni environmentalist-broadcaster Gerry Ortega at pihadong madidiin ang magkapatid na Reyes kung hindi ito namatay.
Imposible umanong nagsisinungaling ang PAO dahil base yan sa autopsy na ginawa kay Aranas. Hindi rin umano sila maaaring magkamali dahil second opinion na sila.
Sa report ng PAO, hindi namatay si Aranas dahil sa asphyxiation o pagkaubos ng hangin dahil sa pagkabigti. Ayon sa PAO, pinatay sa sakal ang biktima at may mga katibayan silang pinanghahawakan dito.
Dahil dito, iginiit ni Yap na imbestigahan kaagad ang pagkamatay ni Aranas. “Wala naman siguro silang itinatago o pinagtatakpan,” ani Yap. “Naniniwala pa rin kami sa hustisya sa Pilipinas. Kahit magtagal, the long hand of justice will reach the culprit.”
Ngunit para naman kay ALAM President Atty. Berteni Causing, “Justice delayed is justice denied.”
Ani Causing, inip na inip na ang pamilya at kapwa mamamahayag ni Ortega na maparusahan ang pumatay sa kanya. “Ilang taon na rin naman ang nakalipas at alam na alam na natin kung sino ang mga dapat managot, pero bakit wala pa ring nangyayari?” ani Causing.
“Alam kong may sinusunod na sistema ang hustisya, pero ano pa ba ang hinihintay natin? Isa na namang journalist na mapapatay? Kahit isang akusado sa mga naganap na media killings, wala pang napaparusahan kaya lumalakas ang loob ng mga kriminal na yan,” dagdag pa nito. (Nanet Villafania)